Publicidade

Salmos 84

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ng mga anak ni Kora na sinasaliwan ng instrumentong may kuwerdas.

1 Panginoon ng mga Hukbo,

kay ganda ng inyong Templo!

2 Gustong-gusto kong pumunta roon!

Nananabik akong pumasok

sa inyong Templo, Panginoon.

Ang buong katauhan koʼy aawit

nang may kagalakan sa inyo,

O Diyos na buháy.

3 Panginoon ng mga Hukbo,

aking Hari at Diyos,

kahit ang mga ibon ay may pugad

malapit sa altar kung saan nila inilalagay

ang kanilang mga inakay.

4 Mapalad ang mga taong nakatira

sa inyong Templo;

lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.

5 Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan

mula sa inyo

at nananabik na makapunta

sa inyong Templo.

6 Habang binabaybay nila

ang lambak ng Baca,

iniisip nilang may mga bukal doon

at tila umulan dahil may tubig kahit saan.

7 Lalo silang lumalakas habang lumalakad

hanggang ang bawat isa sa kanila

ay makarating

sa presensya ng Diyos doon sa Zion.

8 O Panginoon, Diyos ng mga Hukbo,

pakinggan nʼyo ang aking panalangin,

O Diyos ni Jacob,

9 Pagpalain nʼyo O Diyos,

ang tagapagtanggol namin,

ang hari na inyong pinili.

10 Ang isang araw sa inyong Templo

ay higit na mabuti

kaysa sa isang libong araw

sa ibang lugar.

Mas nanaisin ko pang mamalagi sa bahay ng aking Diyos,

kaysa manirahan sa bahay ng masasama.

11 Dahil kayo Panginoong Diyos

ay tulad ng araw na nagbibigay-liwanag sa amin

at pananggalang na nag-iingat sa amin.

Pinagpapala nʼyo rin kami

at pinararangalan

Hindi nʼyo ipinagkakait

ang mabubuting bagay

sa sinumang matuwid ang pamumuhay.

12 O Panginoon ng mga Hukbo,

mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-