Publicidade

Salmos 74

Awit na isinulat ni Asaf.

1 O Diyos, hanggang kailan mo kami itatakwil?

Bakit kayo nagagalit sa mga taong

inyong kinakalinga?

2 Alalahanin nʼyo ang mga mamamayan

na inyong pinili,

ang lahing tinubos nʼyo,

mula pa noong una

at ginawa nʼyong pinakanatatanging kayamanan.

Alalahanin nʼyo rin ang bundok ng Zion

na inyong tahanan.

3 Puntahan nʼyo ang lugar na sira pa rin

hanggang ngayon;

tingnan nʼyo kung paanong sinira

ng mga kaaway ang lahat sa Templo.

4 Sumigaw sila sa loob ng inyong Templo.

Nagtaas pa sila roon ng mga bandila

bilang simbolo ng kanilang tagumpay.

5 Sinibak nila ang Templo

na parang pumuputol ng punongkahoy

sa gubat gamit ang palakol.

6 Winasak nila ang mga inukit na mga kagamitan

sa pamamagitan ng mga palakol.

7 Nilapastangan at sinunog nila

ang inyong tahanan.

8 Sinabi nila sa kanilang sarili,

"Lipulin natin silang lahat!"

Sinunog nila ang lahat ng lugar

na pinagsasambahan sa inyo, O Diyos.

9 Wala nang palatandaan

na kasama namin kayo.

Wala nang propetang naiwan

at walang nakakaalam kung hanggang kailan

matatapos ang mga nangyayaring ito sa amin.

10 O Diyos, hanggang kailan kayo kukutyain

ng aming mga kaaway?

Papayagan nʼyo ba silang lapastanganin

ang inyong pangalan habambuhay?

11 Bakit wala kayong ginagawa?

Kumilos na kayo!

Puksain nʼyo na sila!

12 Kayo, O Diyos, ang aming Hari

mula pa noong una.

Paulit-ulit nʼyo nang iniligtas

ang mga tao sa mundo.

13 Hinati nʼyo ang dagat sa pamamagitan

ng inyong kapangyarihan

at dinurog ang ulo ng mga dambuhalang hayop sa dagat.

14 Dinurog nʼyo ang ulo

ng dragong Leviatan

at ipinakain ang bangkay nito

sa mga hayop sa ilang.

15 Kayo ang nagpapadaloy ng mga bukal

at mga batis,

at ang ilog na hindi natutuyo

ay pinapatuyo ninyo.

16 Kayo ang gumawa ng araw at ng gabi

at naglagay ng araw at ng buwan

sa kanilang kinalalagyan.

17 Kayo rin ang naglagay

ng mga hangganan sa mundo

at lumikha ng tag-araw at taglamig.

18 Alalahanin nʼyo Panginoon,

kung paano kayo pinahiya

at kinutya ng mga hangal na kaaway.

Kung paano nilapastangan

ng mga mangmang na ito

ang inyong pangalan.

19 Huwag nʼyong ibigay sa kanilang mga kaaway

na parang mababangis na hayop

ang inyong mga mamamayan

na parang kalapati.

Huwag nʼyong lubusang kalimutan

ang inyong mga mamamayan

na laging inaapi.

20 Alalahanin nʼyo ang kasunduan

ninyo sa amin,

dahil laganap ang kalupitan sa madidilim na lugar ng lupaing ito.

21 Huwag nʼyong payagang mapahiya

ang mga mahihirap at nangangailangan.

Purihin sana nila kayo.

22 Sige na po, O Diyos, ipagtanggol nʼyo

ang inyong karangalan.

Alalahanin nʼyo kung paano kayo laging hinihiya

ng mga hangal na ito.

23 Huwag nʼyong balewalain

ang walang tigil na paghiyaw

ng inyong mga kaaway dahil sa galit.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-