Publicidade

Salmos 106

1 Purihin nʼyo ang Panginoon!

Magpasalamat kayo sa kanya

dahil siyaʼy mabuti;

ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.

2 Walang makapagsasabi

at makapagpupuri nang lubos

sa makapangyarihang gawa ng Panginoon.

3 Mapalad ang taong gumagawa nang tama

at matuwid sa lahat ng panahon.

4 Panginoon, alalahanin nʼyo ako

kapag tinulungan nʼyo na ang inyong mga mamamayan;

iligtas nʼyo rin ako kapag iniligtas nʼyo na sila,

5 upang akoʼy maging bahagi rin ng kaunlaran ng inyong bansang hinirang,

at makadama rin ng kanilang kagalakan,

at maging kasama nila sa pagpupuri sa inyo.

6 Kami ay nagkasala sa inyo katulad ng aming mga ninuno;

masama ang aming ginawa.

7 Nang silaʼy nasa Ehipto, hindi nila pinansin

ang kahanga-hangang mga ginawa ninyo.

Nilimot nila ang mga kabutihang

ipinakita nʼyo sa kanila,

at silaʼy naghimagsik sa inyo doon sa Dagat na Pula.

8 Ngunit iniligtas nʼyo pa rin sila,

para kayo ay maparangalan

at maipakita ang inyong kapangyarihan.

9 Inutusan ng Panginoon ang Dagat na Pula,

at ito ay natuyo;

pinangunahan niya ang kanyang mga mamamayan

na makatawid na parang lumalakad lamang sa disyerto.

10 Iniligtas niya sila sa kanilang mga kaaway.

11 Tinabunan niya ng tubig

ang kanilang mga kaaway,

at walang sinumang nakaligtas sa kanila.

12 Kaya naniwala sila sa kanyang mga pangako,

at umawit sila ng mga papuri sa kanya.

13 Ngunit muli nilang kinalimutan

ang kanyang mga ginawa,

at hindi na nila hinintay

ang kanyang mga payo.

14 Doon sa ilang, sinubok nila ang Diyos

dahil sa labis nilang pananabik sa pagkain.

15 Kaya ibinigay niya sa kanila ang kanilang hinihiling,

ngunit binigyan din sila ng karamdaman

na nagpahina sa kanila.

16 Sa kanilang kampo, nainggit sila

kay Moises at kay Aaron

na itinalagang maglingkod sa Panginoon.

17 Kaya bumuka ang lupa sa kinaroroonan ni Datan at ni Abiram

at ng kanilang sambahayan

at silaʼy nilamon.

18 At may apoy pang naging kasunod

na tumupok sa kanilang masasamang tagasunod.

19 Doon sa Horeb ay gumawa

ang mga taga-Israel ng gintong baka

at sinamba nila ang diyos-diyosang ito.

Itoʼy ginawa nilang diyos at kanilang sinamba.

20 Ang kanilang dakilang Diyos ay pinalitan nila

ng imahen ng toro na kumakain ng damo.

21,22 Kinalimutan nila ang Diyos na nagligtas sa kanila

at gumawa ng mga kamangha-manghang bagay at himala doon sa Ehipto

na lupain ng mga lahi ni Ham,

at doon sa Dagat na Pula.

23 Nilipol na sana ng Diyos ang kanyang

mga mamamayan

kung hindi namagitan si Moises na kanyang lingkod.

Nakiusap si Moises na huwag sana niyang ituloy

na iparanas ang kanyang galit

upang hindi sila malipol.

24 Tinanggihan nila ang magandang lupain

dahil hindi sila naniwala sa pangako ng Diyos sa kanila.

25 Nagsipagreklamo sila sa loob ng kanilang mga tolda

at hindi sumunod sa Panginoon.

26 Kaya sumumpa siya na papatayin niya sila doon sa ilang,

27 at ikakalat ang kanilang mga angkan

sa ibang mga bansa

at nang doon na sila mamatay.

28 Inihandog nila ang kanilang mga sarili

sa diyos-diyosang si Baal doon sa bundok ng Peor,

at kumain sila ng mga handog

na inialay sa mga patay.

29 Ginalit nila ang Panginoon

dahil sa kanilang masasamang gawa,

kaya dumating sa kanila ang salot.

30 Ngunit namagitan si Finehas,

kaya tumigil ang salot.

31 Ang ginawang iyon ni Finehas ay ibinilang na matuwid,

at itoʼy hindi makakalimutan ng mga tao magpakailanman.

32 Doon sa Bukal sa Meriba, ginalit ng mga taga-Israel ang Panginoon,

kaya nalagay sa gipit si Moises dahil sa kanila;

33 Sapagkat ginalit nila si Moises,

kaya nakapagsalita siya ng mga salitang

hindi na niya napag-isipan.

34 Hindi pinatay ng mga taga-Israel

ang mga taga-Canaan

taliwas sa utos ng Panginoon.

35 Sa halip, nakisama pa sila sa mga ito

at sumunod sa kanilang mga kaugalian.

36 Sinamba rin nila ang kanilang mga diyos-diyosan,

at ito ang nagtulak sa kanila sa kapahamakan.

37 Inihandog nila ang kanilang mga anak

sa mga demonyo.

38 Pinatay nila ang kanilang mga walang malay na anak;

Inihandog nila ang mga ito

sa mga diyos-diyosan ng Canaan,

sa ganooʼy dinungisan nila ang lupain.

39 Dinungisan din nila ang kanilang mga sarili.

Dahil sa kanilang ginawang iyon,

nagtaksil sila sa Diyos;

katulad nilaʼy isang babaeng nakiapid.

40 Kaya nagalit ang Panginoon

sa kanyang mga mamamayan,

at silaʼy kanyang kinasuklaman.

41 Ipinaubaya niya sila sa mga bansang kanilang kaaway,

at sinakop sila ng mga bansang iyon.

42 Inapi sila ng kanilang mga kaaway,

at inalipin sila ng mga ito.

43 Maraming beses silang iniligtas ng Diyos,

ngunit sinasadya nilang maghimagsik sa kanya,

kaya ibinagsak sila dahil sa kanilang kasalanan.

44 Ngunit kapag silaʼy tumatawag sa Diyos,

tinutulungan pa rin niya sila sa kanilang mga paghihirap.

45 Inaalaala ng Diyos ang kanyang kasunduan sa kanila,

at dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa kanila,

napawi ang kanyang galit.

46 Niloob niya na silaʼy kaawaan

ng mga bumihag sa kanila.

47 Panginoon naming Diyos iligtas nʼyo kami,

at muling tipunin sa aming lupain

mula sa mga bansa,

upang makapagpasalamat kami

at makapagbigay-puri sa inyong kabanalan.

48 Purihin ang Panginoon,

ang Diyos ng Israel, magpakailanman.

At ang lahat ay magsabing,

"Amen!"

Purihin ang Panginoon!

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-