Publicidade

Salmos 109

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David.

1 O Diyos na aking pinapupurihan,

dinggin nʼyo ang aking panawagan!

2 Dahil akoʼy pinagbibintangan

ng mga sinungaling at masasamang tao.

Nagsasalita sila ng kasinungalingan

laban sa akin.

3 Sinisiraan nila ako

at sinusugod nang walang dahilan.

4 Kahit nakikipagkaibigan ako sa kanila

ay inaakusahan pa rin nila ako,

ngunit ipinapanalangin ko pa rin sila.

5 Sa kabutihang ginagawa ko sa kanila,

masama ang iginaganti nila.

At sa aking pag-ibig, ibinabalik nilaʼy galit.

6 Sinasabi nila,

"Maghanap tayo ng masamang tao

na kakalaban sa kanya,

at magsasampa ng kaso sa hukuman laban sa kanya.

7 At kapag hinatulan na siya,

lumabas sana na siya ang may kasalanan,

at ituring din na kasalanan ang kanyang mga panalangin.

8 Mamatay na sana siya agad

at ibigay na lang sa iba ang katungkulan niya.

9 At nang maulila ang kanyang mga anak

at mabiyuda ang kanyang asawa.

10 Maging palaboy sana at mamalimos

ang kanyang mga anak

at palayasin sila kahit na sa kanilang ginibang tahanan.

11 Kunin sana ng kanyang pinagkakautangan

ang kanyang mga ari-arian,

at agawin ng mga dayuhan

ang kanyang pinaghirapan.

12 Wala sanang maawa sa kanya

at sa mga naulila niyang mga anak

kapag siyaʼy namatay na.

13 Mamatay sana ang kanyang mga angkan

upang silaʼy makalimutan na ng susunod na salinlahi.

14,15 Huwag sanang patawarin

at kalimutan ng Panginoon ang mga kasalanan

ng kanyang mga magulang at mga ninuno;

at lubusan na sana silang makalimutan sa mundo.

16 "Dahil hindi niya naiisip na gumawa ng mabuti,

sa halip ay inuusig at pinapatay niya

ang mga dukha, ang mga nangangailangan

at ang mga nawalan ng pag-asa.

17 Gustong-gusto niyang sumpain ang iba,

kaya sa kanya na lang sana mangyari

ang kanyang sinabi.

Ayaw niyang pagpalain ang iba

kaya sana hindi rin siya pagpalain.

18 Walang tigil niyang isinusumpa ang iba;

parang damit na lagi niyang suot.

Bumalik sana ito sa kanya na parang tubig

na nanunuot sa kanyang katawan,

at parang langis na tumatagos

sa kanyang mga buto.

19 Sanaʼy hindi na ito humiwalay sa kanya

na parang damit na bumabalot sa katawan

o sinturon na palaging nakabigkis.

20 Panginoon, sanaʼy maging ganyan ang inyong parusa

sa mga nagpaparatang at nagsasalita

ng masama laban sa akin.

21 "Ngunit Makapangyarihang Panginoon,

tulungan nʼyo ako para kayo ay maparangalan.

Iligtas nʼyo ako

dahil kayo ay mabuti at mapagmahal.

22 Dahil akoʼy dukha at nangangailangan,

at ang damdamin koʼy nasasaktan.

23 Unti-unti nang nawawala ang aking buhay.

Itoʼy parang anino na nawawala pagsapit ng gabi,

at parang balang na lumilipad

at nawawala kapag nagalaw ang dinadapuan.

24 Nanghihina ang mga tuhod ko

dahil sa pag-aayuno.

Akoʼy payat na payat na.

25 Akoʼy kinukutya ng aking mga kaaway.

Iiling-iling sila kapag akoʼy nakita.

26 Panginoon kong Diyos,

iligtas nʼyo ako ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin.

27 At malalaman ng aking mga kaaway

na kayo Panginoon ang nagligtas sa akin.

28 Isinusumpa nila ako,

ngunit pinagpapala nʼyo ako.

Silaʼy mapapahiya kapag akoʼy sinalakay nila!

Ngunit akong inyong lingkod ay magagalak.

29 Silang nagbibintang sa akin

ay lubusan sanang mapahiya;

mabalot sana sila sa kahihiyan

tulad ng damit na tumatakip sa buong katawan.

30 "Pupurihin ko ang Panginoon,

pupurihin ko siya sa harapan ng maraming tao.

31 Dahil tinutulungan niya ang mga dukha

upang iligtas sila sa mga nais magpahamak sa kanila."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-