Publicidade

Salmos 66

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David.

1 Kayong mga tao sa buong mundo,

isigaw ninyo ang inyong papuri sa Diyos

nang may kagalakan.

2 Umawit kayo ng mga papuri para sa kanya.

Parangalan ninyo siya sa pamamagitan

ng inyong mga awit.

3 Sabihin ninyo sa kanya,

"O Diyos, kahanga-hanga ang inyong mga gawa!

Dahil sa inyong dakilang kapangyarihan,

luluhod ang inyong mga kaaway sa takot.

4 Ang lahat ng tao sa buong mundo

ay sasamba sa inyo

na may awit ng papuri."

5 Halikayoʼt tingnan ang kahanga-hanga

na ginawa ng Diyos para sa mga tao.

6 Pinatuyo niya ang dagat;

tinawid ito ng ating mga ninuno

nang naglalakad.

Tayoʼy mangagalak sa kanyang mga ginawa.

7 Makapangyarihang maghahari ang Diyos, magpakailanman.

Mga bansaʼy kanyang pinagmamasdan,

kaya ang mga sumusuway sa kanya

ay hindi dapat magmalaki.

8 Kayong mga tao, purihin ninyo ang Diyos!

Iparinig ninyo sa lahat ang inyong papuri.

9 Iningatan niya ang ating buhay

at hindi niya hinayaang tayoʼy madapa.

10 Sapagkat sinubok ninyo kami, O Diyos, upang dalisayin;

tulad namiʼy pilak na dinalisay sa apoy.

11 Hinayaan nʼyo kaming mahuli sa bitag

at pinagpasan nʼyo kami

ng mabigat na dalahin.

12 Pinabayaan nʼyo ang aming mga kaaway

na tapakan kami sa ulo;

parang dumaan kami sa apoy

at lumusong sa baha.

Ngunit dinala nʼyo kami sa lugar ng kasaganaan.

13 Mag-aalay ako sa inyong Templo ng mga handog na sinusunog

upang tuparin ko ang aking mga ipinangako sa inyo,

14 mga pangakong sinabi ko noong akoʼy nasa gitna ng kaguluhan.

15 Mag-aalay ako sa inyo ng matatabang hayop bilang handog na sinusunog,

katulad ng mga tupa, toro at mga kambing.

16 Halikayoʼt makinig, kayong lahat

na may takot sa Diyos.

Sasabihin ko sa inyo

ang mga ginawa niya sa akin.

17 Humingi ako sa kanya

ng tulong habang nagpupuri.

18 Kung hindi ko ipinahayag sa Panginoon

ang aking mga kasalanan,

hindi niya sana ako pakikinggan.

19 Ngunit tunay ngang pinakinggan

ako ng Diyos

at ang dalangin koʼy kanyang sinagot.

20 Purihin ang Diyos,

na hindi tumanggi sa aking panalangin,

at hindi nagkait ng kanyang tapat na pag-ibig sa akin.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-