1 Diyos ko, Diyos ko, bakit nʼyo ako pinabayaan?
Bakit kay layo nʼyo sa akin?
Dumadaing ako sa hirap,
ngunit hindi nʼyo pa rin
ako tinutulungan.
2 Diyos ko, araw-gabiʼy
tumatawag ako sa inyo,
ngunit hindi nʼyo ako sinasagot,
kaya wala akong kapahingahan.
3 Ngunit banal ka,
at nakaluklok ka
sa iyong trono,
at pinupuri ng mga Israelita.
4 Ang aming mga ninuno
ay sa inyo nagtiwala,
at silaʼy inyong iniligtas.
5 Tinulungan nʼyo sila
nang sila ay tumawag sa inyo.
Sila ay nagtiwala at hindi nabigo.
6 Akoʼy hinahamak at hinihiya ng mga tao.
Sinasabi nila na para akong higad
at hindi tao.
7 Bawat makakita sa akin
ay nangungutya, nang-aasar,
at iiling-iling na nagsasabi,
8 "Hindi baʼt nagtitiwala ka sa Panginoon,
bakit hindi ka niya iniligtas?
Hindi baʼt nalulugod siya sa iyo,
bakit hindi ka niya tinulungan?"
9 Ngunit kayo ang naglabas sa akin
sa sinapupunan ng aking ina,
at tinuruan nʼyo akong magtiwala sa inyo
kahit noong akoʼy sanggol pa lamang.
10 Mula sa aking pagsilang,
akoʼy nakadepende na sa inyo,
mula si sinapupunan,
ikaw ang aking Diyos.
11 Huwag po kayong maging malayo sa akin,
dahil ang kaguluhan ay malapit
nang dumating,
at walang ibang makakatulong sa akin.
12 Napapaligiran ako ng maraming kaaway,
tulad nilaʼy mga mababangis na toro
mula sa Bashan.
13 Para rin silang mga leong umaatungal
at nakanganga na handa akong lapain.
14 Nawalan ako ng lakas
na parang tubig na ibinubuhos,
at ang aking mga buto
ay parang nalinsad lahat.
At nawalan ako ng lakas ng loob,
para akong nauupos na kandila.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo
na parang tigang na lupa,
at ang aking dila ay dumidikit
sa aking ngala-ngala.
O Panginoon, pinabayaan nʼyo ako sa lupa
na parang isang patay.
16 Pinapalibutan ako ng mga masasama,
para silang mga asong nakapaligid sa akin.
At tinusok nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Naglalabasan na ang lahat
ng aking mga buto,
ngunit akoʼy kanilang tinitingnan lamang.
18 Ang aking mga damit
ay kanilang pinaghati-hatian,
nagpalabunutan sila para sa aking
panloob na kasuotan.
19 Ngunit kayo, Panginoon,
huwag po kayong maging malayo sa akin.
Kayo ang aking kalakasan;
magmadali kayo at akoʼy tulungan.
20 Iligtas nʼyo ang buhay ko
sa espada ng aking mga kaaway
na tulad ng mga pangil ng aso,
21 Iligtas nʼyo ako sa mga kuko ng leon,
o sungay ng toro.
Sagutin nʼyo po ang aking dalangin.
22 Ikukuwento ko sa mga kababayan ko
ang lahat ng tungkol sa inyo.
At sa gitna ng kanilang pagtitipon,
kayo ay aking papupurihan.
23 Kayong may takot sa Panginoon,
purihin ninyo siya!
Kayong mga lahi ni Jacob na siyang bayan ng Israel,
parangalan ninyo siya
at matakot kayo sa kanya!
24 Hindi niya binabalewala ang mga mahihirap.
Hindi niya sila tinatalikuran,
sa halip ay pinakikinggan pa niya
ang kanilang mga pagtawag.
25 Panginoon, sa inyo nagmumula
ang kasiglahan kong magpuri sa inyo
sa gitna ng buong sambayanan.
Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo,
tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo.
26 Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog.
Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo.
Sanaʼy sumakanila ang mabuti
at mahabang buhay magpakailanman.
27 Panginoon, maaalala kayo ng tao
sa buong mundo,
at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo,
28 sapagkat kayo ang naghahari,
at namumuno sa lahat ng bansa.
29 Kaya magdiriwang at sasamba sa inyo
ang lahat ng mayayaman
sa buong mundo.
Luluhod sa inyo ang lahat ng mga mortal,
sila na babalik sa alikabok.
30 Ang susunod na salinlahi
ay maglilingkod sa inyo.
At tuturuan nila ang kanilang mga anak
ng tungkol sa inyo, Panginoon.
31 Balang araw, silang hindi pa ipinapanganak
ay malalaman ang mga ginawa ninyo,
at maging ang pagliligtas nʼyo
sa inyong mga mamamayan.