1 Panginoon, kayo ang aming naging tahanan
sa lahat ng salinlahi.
2 Bago nʼyo pa likhain ang mga bundok,
ang mundo, at ang sanlibutan,
kayoʼy nariyan na,
sapagkat kayoʼy Diyos
magpakailanman.
3 Kayo ang nagpapasya kung kailan mamamatay
ang isang tao.
Ibinabalik nʼyo siya sa lupa
dahil sa lupa siya nagmula.
4 Ang isang libong taon sa amin
ay parang isang araw lang
na lumipas sa inyo,
o parang ilang oras lang sa gabi.
5 Winawakasan nʼyo ang aming buhay
na parang isang panaginip
na biglang nawawala,
6 o para ding damong tumutubo
at lumalago sa umaga,
ngunit kinahapunaʼy natutuyo
at nalalanta.
7 Dahil sa inyong galit
kami ay natutupok.
Sa tindi ng inyong poot
kami ay natatakot.
8 Nakikita nʼyo ang aming
mga kasalanan,
kahit ang mga kasalanang
lihim naming ginawa
ay inyong nalalaman.
9 Totoong sa galit nʼyo
kami ay mamamatay;
matatapos ang aming buhay
sa isang buntong hininga lamang.
10 Ang buhay namin ay hanggang pitumpung taon lang,
o kung malakas pa ay aabot
ng walumpung taon naman.
Ngunit kahit ang aming pinakamagandang mga taon
ay puno ng paghihirap at kaguluhan.
Talagang hindi magtatagal
ang buhay namin
at kami ay mawawala.
11 Walang lubos na nakakaunawa
ng inyong matinding galit.
Matindi nga kayong magalit,
kaya nararapat kayong katakutan.
12 Ipaunawa nʼyo sa amin
na ang buhay namin ay maiksi lang,
upang matuto kaming mamuhay
nang may karunungan.
13 Panginoon, hanggang kailan kayo
magagalit sa amin?
Dinggin nʼyo kami at kahabagan,
kami na inyong mga lingkod.
14 Tuwing umagaʼy ipadama nʼyo sa amin
ang inyong tapat na pag-ibig,
upang umawit kami nang may kagalakan
at maging masaya habang nabubuhay.
15 Bigyan nʼyo kami ng kagalakan
na kasintagal ng panahon na kami
ay inyong pinarusahan at pinahirapan.
16 Ipakita nʼyo sa amin na inyong mga lingkod,
at sa aming mga salinlahi,
ang inyong kapangyarihan
at mga dakilang gawa.
17 Panginoon naming Diyos,
pagpalain nʼyo sana kami
at pagtagumpayin ang aming mga gawain.