Publicidade

Salmos 4

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David na sinasaliwan ng mga instrumentong may kuwerdas.

1 Ang panawagan koʼy iyong dinggin,

O Diyos na nagtatanggol sa akin.

Akoʼy bigyang kaginhawahan

sa panahon ng aking kagipitan.

Akoʼy inyong kahabagan,

panalangin ko ay pakinggan.

2 Kayong mga tao,

kailan kayo titigil sa paninirang-puri sa akin?

Hanggang kailan ninyo iibigin

ang mga bagay na walang kabuluhan

at susundin ang mga bulaan?

3 Tandaan ninyo:

Ibinukod ng Panginoon ang kanyang mga hinirang.

Kapag akoʼy tumawag sa kanya,

akoʼy pakikinggan niya.

4 Kapag kayoʼy nagagalit,

huwag kayong magkakasala.

Magbulay-bulay nang may katahimikan

habang kayoʼy nakahiga sa higaan.

5 Ialay sa Panginoon ang mga nararapat na handog

at magtiwala sa kanya.

6 Marami ang nagsasabi,

"Sino ang magpapakita sa atin ng mabuti?"

Panginoon, ipakita po ninyo sa amin

ang inyong kabutihan!

7 Labis na kagalakan ang inyong ibinigay sa akin,

higit pa sa kanila na sagana sa pagkain at inumin.

8 Sa aking pagtulog, panatag ang aking loob,

sapagkat kayo, Panginoon, ang nakabantay sa akin.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-