Publicidade

Salmos 18

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Isang awit na isinulat ni David, ang lingkod ng Panginoon. Inawit niya ito noong iniligtas siya ng Panginoon sa kamay ng kanyang mga kalaban at kay Saul.

1 Minamahal ko kayo Panginoon,

kayo ang aking kalakasan.

2 Panginoon, kayo ang aking matibay

na batong kanlungan

at tagapagligtas.

Kayo, O Diyos, ang aking matibay

na batong kanlungan

na nag-iingat sa akin,

kayo ang aking pananggalang,

tanggulan at matatag na kuta.

3 Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon,

dahil kapag tumatawag ako sa inyo,

inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.

4,5 Ang kamatayaʼy parang lubid

na nakapulupot sa akin

at parang bitag sa aking daraanan,

na para ring malakas na agos

na tumatangay sa akin.

6 Kinakabahan ako!

Humingi ako ng tulong sa inyo,

Panginoon na aking Diyos.

At mula sa inyong Templo,

pinakinggan nʼyo ang panalangin ko.

7 Dahil sa inyong galit ay lumindol,

maging ang pundasyon ng mga bundok ay nayanig.

8 Umusok din ang inyong ilong,

at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy

at mga nagliliyab na baga.

9 Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumabâ,

at tumuntong sa maitim at makapal na ulap.

10 Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,

at mabilis na lumipad na dala ng hangin.

11 Ginawa nʼyong talukbong ang kadiliman,

at nagtago kayo sa maitim na ulap.

12 Mula sa ningning ng kanyang presensyaʼy

lumitaw ang makakapal na ulap,

at bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga.

13 Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Diyos na aming Panginoon,

ay dumadagundong mula sa langit.

14 Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban

at nataranta silang nagsitakas.

15 Sa inyong tinig at matinding galit,

natuyo ang dagat at nakita

ang lupa sa ilalim nito,

pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad.

16 At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo

at inahon mula sa malalim na tubig.

17 Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan

ng aking mga kalaban na hindi ko

kayang labanan.

18 Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.

Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon.

19 Dinala nʼyo ako sa lugar na walang kapahamakan

dahil nalulugod kayo sa akin.

20 Pinagpala nʼyo ako

dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.

Sa kalinisan ng aking kamay

akoʼy inyong ginantimpalaan.

21 Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,

at hindi ko kayo tinalikuran,

Panginoon na aking Diyos.

22 Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.

Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.

23 Alam nʼyong namumuhay ako nang walang kapintasan,

at iniiwasan ko ang kasamaan.

24 Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,

dahil nakita nʼyong matuwid ang aking pamumuhay.

25 Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,

at mabuti kayo sa mabubuting tao.

26 Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,

ngunit tuso kayo sa mga taong masama.

27 Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,

ngunit ang nagmamataas

ay inyong ibinababa.

28 Panginoon kong Diyos, kayo ang nagbibigay

sa akin ng liwanag.

Sa gitna ng kadiliman

kayo ang aking tanglaw.

29 Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin

ang grupo ng mga sundalo,

at kaya kong akyatin ang pader

ng kanilang tanggulan.

30 Ang pamamaraan nʼyo,

O Diyos ay walang kamalian.

Ang inyong mga salita ay maaasahan.

Kayoʼy katulad ng isang kalasag

sa mga kumakanlong sa inyo.

31 Sapagkat kayo lang, Panginoon,

ang tunay na Diyos,

at wala nang iba.

At kayo lang talaga

ang aming Batong kanlungan.

32 Kayo, O Diyos, ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,

at nagbabantay sa aking daraanan.

33 Pinatatatag nʼyo ang aking paa

tulad ng paa ng usa,

upang maging ligtas ang pag-akyat ko

sa matataas na lugar.

34 Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban,

at ang aking brasoʼy nakakabanat ng panang tanso.

35 Ang katulad nʼyo ay kalasag na nag-iingat sa akin.

Inaakay nʼyo ako sa pamamagitan

ng inyong kapangyarihan,

at dahil sa tulong nʼyo, naging tanyag ako.

36 Pinaluwang nʼyo ang aking daraanan,

kaya hindi ako natitisod.

37 Hinabol ko ang aking mga kalaban

at inabutan ko sila,

at hindi ako tumigil

hanggang sa naubos ko sila.

38 Hinampas ko sila hanggang sa magsibagsak,

at hindi na makabangon sa aking paanan.

39 Binigyan nʼyo ako ng lakas sa pakikipaglaban,

kaya natalo ko ang aking mga kaaway.

40 Pinaatras ninyo ang aking mga kaaway

at pinatay ko ang mga galit sa akin.

41 Humingi sila ng tulong,

ngunit walang tumulong sa kanila.

Tumawag din sila sa inyo Panginoon,

ngunit kayoʼy hindi tumugon.

42 Dinurog ko sila hanggang sa naging alikabok na lang

na inililipad ng hangin,

at tinatapak-tapakan na parang putik sa kalsada.

43 Akoʼy iniligtas nʼyo sa mga rebelde,

at ginawa nʼyo akong pinuno

ng maraming bansa.

Kahit ang mga hindi nakakakilala sa akin,

pinaglingkuran na nila ako ngayon.

44 Yumuyukod sila sa aking harapan.

Naririnig pa lang nila ang tungkol sa akin,

sumusunod agad sila sa utos ko.

45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,

kaya lumalabas sila sa kanilang pinagtataguan

na nanginginig sa takot.

46 Buháy kayo, Panginoon!

Karapat-dapat kayong purihin at dakilain,

O Diyos na aking batong kanlungan

at Tagapagligtas!

47 Kayo, O Diyos, ang naghihiganti para sa akin,

at ipinapasailalim mo ang mga bansa

sa aking kapangyarihan.

48 Inililigtas nʼyo ako sa mararahas kong kalaban,

at pinagtatagumpay nʼyo ako sa kanila.

49 Kaya pararangalan ko kayo sa mga bansa.

O Panginoon, aawitan ko kayo ng mga papuri.

50 Sa hinirang nʼyong hari

ay nagbigay kayo ng maraming tagumpay.

Ipinapadama ninyo ang inyong wagas na pag-ibig

sa inyong hinirang na si David

at sa lahat ng kanyang lahi, magpakailanman.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-