Publicidade

Salmos 86

Ang Panalangin ni David.

1 Panginoon, inyong dinggin at sagutin

ang aking panalangin

sapagkat akoʼy naghihirap

at nangangailangan.

2 Ingatan nʼyo ang buhay ko

sapagkat akoʼy tapat sa inyo.

Kayo ang aking Diyos,

iligtas nʼyo ang inyong lingkod

na nagtitiwala sa inyo.

3 Panginoon, maawa kayo sa akin

dahil buong araw akong

tumatawag sa inyo.

4 Bigyan nʼyo ng kagalakan

ang inyong lingkod, Panginoon,

dahil saʼyo ako nananalangin.

5 Tunay kayong mabuti at mapagpatawad,

O Panginoon,

puno ng pag-ibig sa lahat

ng tumatawag sa inyo.

6 Pakinggan nʼyo ang aking dalangin,

Panginoon.

Ang pagsusumamo koʼy

inyong dinggin.

7 Akoʼy tumatawag sa inyo

sa oras ng kagipitan

dahil sinasagot nʼyo ako.

8 Walang diyos na katulad nʼyo,

Panginoon;

walang sinumang makakagawa

ng mga ginawa ninyo.

9 Ang lahat ng bansa na inyong ginawa,

ay lalapit at sasamba sa inyo,

Panginoon.

Pupurihin nila ang inyong pangalan.

10 Sapagkat makapangyarihan kayo

at ang mga gawa nʼyo

ay kahanga-hanga.

Kayo ang nag-iisang Diyos.

11 Panginoon, ituro nʼyo sa akin

ang inyong pamamaraan,

at susundin ko ito nang may katapatan.

Bigyan nʼyo ako ng pusong

may takot sa inyo.

12 Panginoon kong Diyos,

buong puso ko kayong pasasalamatan.

Pupurihin ko ang inyong pangalan

magpakailanman.

13 Sapagkat ang inyong pag-ibig

sa akin ay dakila.

Iniligtas nʼyo ako mula sa kamatayan.

14 O Diyos, sinasalakay ako

ng mga mayayabang

gusto akong patayin

ng mga walang awa.

Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.

15 Ngunit kayo, Panginoon,

ay Diyos

na nagmamalasakit at mahabagin.

Wagas ang pag-ibig nʼyo,

at hindi kayo madaling magalit.

16 Bigyang-pansin nʼyo ako

at kahabagan;

bigyan nʼyo ako ng inyong kalakasan

at iligtas ako na inyong lingkod.

17 Ipakita sa akin ang tanda

ng inyong kabutihan,

upang makita ito ng aking mga kaaway

at nang silaʼy mapahiya.

Dahil kayo, Panginoon,

ang tumutulong at umaaliw sa akin.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-