Publicidade

Salmos 139

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David.

1 Panginoon, akoʼy inyong siniyasat

at kilalang-kilala.

2 Alam ninyo lahat, maging ang pag-upo at pagtayo ko;

Malayo man kayoʼy batid ninyo

ang aking iniisip.

3 Akoʼy inyong nakikita

nagtatrabaho man ako o nagpapahinga.

Alam ninyo ang lahat ng aking ginagawa.

4 Panginoon, hindi pa man ako nagsasalita

ay alam na ninyo

ang aking sasabihin.

5 Lagi ko kayong kasama,

akoʼy inyong iniingatan at kinakalinga.

6 Ang pagkakilala ninyo sa akin

ay tunay na kahanga-hanga;

hindi maarok ng aking pang-unawa.

7 Paano ba ako makakaiwas

sa inyong Espiritu?

Saan ba ako makakapunta na wala kayo?

8 Kung pupunta ako sa langit

ay naroon kayo;

kung pupunta ako sa lugar

ng mga patay,

naroon din kayo.

9 At kung pumunta man ako sa silangan

o tumira sa pinakamalayong lugar

sa kanluran,

10 kayo ay naroon din

upang akoʼy patnubayan at tulungan.

11 Maaaring mapakiusapan ko

ang dilim na itago ako,

o maging gabi ang liwanag sa paligid ko;

12 subalit, kahit ang kadiliman

ay hindi madilim sa inyo, Panginoon,

at ang gabi ay parang araw.

Dahil para sa inyo,

pareho lang ang dilim at ang liwanag.

13 Kilala ninyo ako, dahil kayo

ang lumalang sa akin.

Kayo ang humubog sa akin

sa sinapupunan ng aking ina.

14 Pinupuri ko kayo

sa kahanga-hangang pagkalikha ninyo sa akin.

Alam na alam kong ang inyong mga gawa

ay tunay na kahanga-hanga.

15 Nakita ninyo ang aking mga buto

nang akoʼy lihim na hubugin

sa sinapupunan ng aking ina.

16 Nakita na ninyo ako,

hindi pa man ako isinisilang.

Ang itinakdang mga araw

na akoʼy mabubuhay

ay nakasulat na sa aklat ninyo

bago pa man ito mangyari.

17 O Diyos, hindi ko lubos maunawaan

ang mga iniisip ninyo;

itoʼy sadyang napakarami.

18 Kung itoʼy aking bibilangin,

mas marami pa kaysa sa buhangin.

Sa aking paggising, akoʼy nasa inyo pa rin.

19 O Diyos, patayin ninyo sana

ang masasamâ!

Lumayo sana sa akin

ang mga mamamatay-tao!

20 Nagsasalita sila ng masama

laban sa inyo.

Binabanggit nila ang inyong pangalan

sa walang kabuluhan.

21 Panginoon, kinamumuhian ko

ang mga namumuhi sa inyo.

Kinasusuklaman ko

ang mga kumakalaban sa inyo.

22 Labis ko silang kinamumuhian;

itinuturing ko silang mga kaaway.

23 O Diyos, siyasatin ninyo ako,

upang malaman ninyo ang nasa puso ko.

Subukin ninyo ako, at alamin

ang aking mga iniisip.

24 Tingnan ninyo kung ako

ay may masamang pag-uugali,

at patnubayan ninyo ako

sa daang dapat kong tahakin

magpakailanman.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-