1 Purihin ang Panginoon!
Mapalad ang taong may takot sa Panginoon
at malugod na sumusunod sa kanyang mga utos.
2 Ang mga anak niya ay magiging matagumpay,
dahil ang angkan ng mga namumuhay
nang matuwid ay pagpapalain.
3 Yayaman ang kanyang sambahayan,
at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
4 Kahit sa kadiliman, taglay pa rin
ang liwanag ng taong
namumuhay nang matuwid,
at puno ng kabutihan, kahabagan at katuwiran.
5 Pagpapalain ang taong mapagbigay at nagpapahiram,
at hindi nandaraya sa kanyang hanapbuhay.
6 Tiyak na magiging matatag
ang kanyang kalagayan
at hindi siya makakalimutan magpakailanman.
7 Hindi siya matatakot sa masamang balita,
dahil matatag siya at buong pusong
nagtitiwala sa Panginoon.
8 Hindi siya matatakot o maguguluhan,
dahil alam niyang sa bandang huliʼy
makikita niya ang tagumpay laban sa kanyang mga kalaban.
9 Nagbibigay siya sa mga dukha,
at ang kanyang kabutihan
ay maaalala magpakailanman.
Ang kanyang kakayahan
ay lalo pang dadagdagan ng Diyos
upang siyaʼy maparangalan.
10 Makikita ito ng mga taong masama
at magngangalit ang kanilang mga ngipin sa galit,
at matutunaw sila dahil sa kahihiyan.
Hindi magtatagumpay ang naisin ng taong masama.