Publicidade

Salmos 16

Awit na isinulat ni David. Isa itong miktam.

1 O Diyos, ingatan nʼyo po ako,

dahil sa inyo ako nanganganlong.

2 Sinabi ko sa Panginoon,

"Kayo ang aking Panginoon.

Lahat ng kabutihang nakamtan ko

ay mula sa inyo."

3 Tungkol naman sa mga taong banal

na nasa lupaing ito,

lubos ko silang kinalulugdan.

4 Ngunit ang mga piniling sumamba

sa mga diyos-diyosan

ay lalong mahihirapan.

Hindi ako sasáma sa paghahandog nila ng dugo

sa kanilang mga diyos-diyosan,

at ayaw kong banggitin man lang

ang pangalan ng mga ito.

5 Panginoon, kayo ang lahat sa aking buhay.

Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.

Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.

6 Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin

ay parang kaaya-ayang taniman.

Tunay na napakaganda

ng pamana nʼyo sa akin.

7 Pupurihin ko kayo, Panginoon, na sa akin ay nagpapayo.

At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.

8 Panginoon palagi ko kayong iniisip,

at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.

9 Kayaʼt nagagalak ang aking puso,

at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.

10 Sapagkat hindi ninyo pababayaan

na mapunta ako sa lugar ng mga patay;

hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan

ang matapat ninyong lingkod.

11 Itinuro ninyo sa akin ang landas

patungo sa buháy

na puno ng kasiyahan,

at sa piling nʼyo, aking matatagpuan

ang ligayang walang hanggan.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-