Publicidade

Salmos 68

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David.

1 Kumilos nawa ang Diyos,

at ikalat ang kanyang mga kaaway.

Magsitakas nawa palayo

ang mga galit sa kanya.

2 Itaboy sana sila ng Diyos

gaya ng usok na tinatangay ng hangin.

Mamatay sana sa harapan niya

ang mga masasamâ,

gaya ng kandilang natutunaw sa apoy.

3 Ngunit ang matutuwid ay sisigaw sa galak sa kanyang harapan.

4 Awitan ninyo ang Diyos,

awitan ninyo siya ng mga papuri.

Purihin nʼyo siya, na siyang may hawak sa mga ulap.

Ang kanyang pangalan ay Panginoon.

Magalak kayo sa kanyang harapan!

5 Ang Diyos na nasa kanyang banal na tahanan

ang siyang nangangalaga sa mga ulila

at tagapagtanggol ng mga biyuda.

6 Ang mga nag-iisa sa buhay

ay ihinahanap niya ng pamilyang kabibilangan.

Ang mga bihag

ay kanyang binibigyan ng kalayaan

upang silaʼy magkaroon ng kagalakan.

Ngunit ang mga taong ang uloʼy may katigasan,

sa mainit at tigang na lupa maninirahan.

7 O Diyos, nang pangunahan ninyo sa ilang

ang inyong mga mamamayan,

8 nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan

sa inyong harapan,

O Diyos ng Israel na nagpahayag sa Sinai.

9 Nagpadala kayo ng masaganang ulan

at ang lupang tigang na ipinamana nʼyo

sa inyong mga mamamayan

ay naginhawahan.

10 Doon sila nanirahan, at sa inyong kagandahang-loob

ay binigyan nʼyo ang mga mahihirap

ng kanilang mga pangangailangan.

11 Panginoon, nagpadala kayo ng mensahe,

at itoʼy ibinalita ng maraming kababaihan:

12 "Nagsisitakas ang mga hari at ang kanilang mga hukbo!

Ang mga naiwan nilang kayamanan

ay pinaghati-hatian ng mga babaeng

nasa mga kabahayan.

13 Kahit na ang mga tagapag-alaga ng hayop

ay nakakuha ng mga naiwang bagay gaya ng imahen ng

kalapati, na ang mga pakpak ay nababalutan ng pilak

at ang dulo nito ay nababalutan ng purong ginto."

14 Nang ikalat ng Diyos na Makapangyarihan ang mga haring iyon,

pinaulanan niya ng yelo ang lugar ng Zalmon.

15 Napakataas at napakaganda ng bundok ng Bashan;

maraming taluktok ang bundok na ito.

16 Ngunit bakit ito nainggit sa bundok ng Zion na pinili ng Panginoon

bilang maging tahanan niya magpakailanman?

17 Dumating ang Panginoong Diyos

sa kanyang banal na lugar

mula sa Sinai

kasama ang libu-libo niyang karwahe.

18 Nang umakyat siya sa mataas na lugar,

marami siyang dinalang bihag.

Tumanggap siya ng regalo mula sa mga tao,

pati na sa mga naghimagsik sa kanya.

At doon maninirahan ang Panginoong Diyos.

19 Purihin ang Panginoon,

ang Diyos na ating Tagapagligtas na tumutulong

sa ating mga suliranin sa bawat araw.

20 Ang ating Diyos

ang siyang Diyos na nagliligtas!

Siya ang Makapangyarihang Panginoon na nagliligtas

sa atin sa kamatayan.

21 Tiyak na babasagin ng Diyos ang ulo

ng kanyang mga kaaway na patuloy sa pagkakasala.

22 Sinabi ng Panginoon,

"Pababalikin ko ang aking mga kaaway

mula sa Bashan;

pababalikin ko sila

mula sa kailaliman ng dagat,

23 upang patayin sila at tapak-tapakan ninyo ang kanilang dugo

at magsasawa ang inyong mga aso

sa paghimod ng kanilang dugo."

24 O Diyos na aking Hari,

nakita ng lahat ang inyong parada ng tagumpay

papunta sa inyong santuwaryo.

25 Nasa unahan ang mga mang-aawit

at nasa hulihan ang mga tumutugtog;

at sa gitna naman ay ang mga babaeng

tumutugtog ng tamburin.

26 Sumisigaw sila,

"Purihin ang Diyos sa inyong mga pagtitipon!

Purihin ninyo ang Panginoon,

kayong mula sa lahi ng Israel."

27 Nauuna ang maliit na lahi ni Benjamin,

kasunod ang mga pinuno ng Juda

kasama ang kanilang lahi,

at sinusundan ng mga pinuno ng Zebulun at Neftali.

28 O Diyos, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,

katulad ng ginawa nʼyo sa amin noon.

29 Dahil sa inyong Templo sa Jerusalem

magkakaloob ng mga regalo

ang mga hari para sa inyo.

30 Sawayin nʼyo ang bansang kaaway

na parang mabagsik na hayop sa talahiban.

Pati na rin ang mga taong tila

mga torong kasama ng mga guya

hanggang sa silaʼy sumuko at maghandog

ng kanilang mga pilak sa inyo.

Ikalat nʼyo ang mga taong natutuwa

kapag may digmaan.

31 Magpapasakop ang mga taga-Ehipto sa inyo.

Ang mga taga-Etiopia

ay magmamadaling magbigay ng kaloob sa inyo.

32 Umawit kayo sa Diyos, kayong mga mamamayan

ng mga kaharian sa mundo.

Umawit kayo

ng mga papuri sa Panginoon,

33 na naglalakbay sa kalangitan mula pa

nang pasimula.

Pakinggan ninyo

ang kanyang dumadagundong na tinig.

34 Ipahayag ninyo ang kapangyarihan

ng Diyos na naghahari sa buong Israel.

Ang kalangitan ang nagpapakita

ng kanyang kapangyarihan.

35 Kahanga-hanga ang Diyos ng Israel

habang siyaʼy lumalabas

sa kanyang banal na tahanan.

Binibigyan niya ng kapangyarihan at kalakasan

ang kanyang mga mamamayan.

Purihin ang Diyos!

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-