Publicidade

Salmos 73

Awit na isinulat ni Asaf.

1 Tunay na mabuti ang Diyos sa Israel,

lalo na sa mga taong may malilinis na puso.

2 Ngunit akoʼy muntik nang bumagsak;

ang mga paa koʼy muntik nang madulas.

3 Sapagkat kinainggitan ko ang mga mayayabang,

nang nakita ko ang pag-unlad

ng mga masasama.

4 Hindi sila dumaranas ng pagdurusa;

silaʼy malulusog at masisigla.

5 Ang mga pagdurusang karaniwang

nararanasan ng tao

sa mundong ibabaw ay di nila naranasan.

Hindi sila dumaranas ng hirap,

di tulad ng kanilang kapwa.

6 Kaya ipinapakita nila ang kanilang kayabangan at kalupitan.

7 Ang kanilang puso ay puno ng kasamaan,

at ang laging iniisip ay paggawa ng masama.

8 Kinukutya nila at pinagsasabihan

ng masama ang iba.

Mayayabang sila at nagbabantang mananakit.

9 Nagsasalita sila ng masama

laban sa Diyos at sa kanilang kapwa.

10 Kaya ang mga mamamayan ng Diyos

ay lumilingon sa kanila

at pinaniniwalaan ang kanilang

mga sinasabi.

11 Sinasabi nila, "Paano malalaman ng Diyos?

Walang alam ang Kataas-taasang Diyos."

12 Ganito ang buhay ng masasamâ:

wala nang problema, yumayaman pa.

13 Bakit ganoon?

Wala bang kabuluhan

ang malinis kong pamumuhay

at paglayo sa kasalanan?

14 Nagdurusa ako buong araw.

Bawat umaga akoʼy inyong pinarurusahan.

15 Kung sasabihin ko rin ang sinabi nila,

para na rin akong nagtraydor

sa inyong mga mamamayan.

16 Kaya sinikap kong unawain

ang mga bagay na ito,

pero napakahirap.

17 Ngunit nang pumunta ako

sa inyong santuwaryo,

doon ko naunawaan ang kahihinatnan ng masama.

18 Tunay na inilalagay nʼyo sila

sa madulas na daan,

at ibinabagsak sa kapahamakan.

19 Bigla silang mapapahamak;

mamamatay silang lahat

at nakakatakot ang kanilang kahahantungan.

20 Para silang isang panaginip

na sa pagsapit ng umaga ay wala na,

O Panginoon.

Makakalimutan na sila

kapag silaʼy pinarusahan nʼyo na.

21 Nang nasaktan ang aking damdamin

at nagtanim ako ng sama ng loob,

22 para akong naging hayop

sa inyong paningin,

mangmang at hindi nakakaunawa.

23 Ngunit patuloy akong lumapit sa inyo

at akoʼy inakay nʼyo.

24 Ang inyong mga payo

ang nagsisilbing gabay ko,

at akoʼy dadalhin ninyo

sa marangal na hantungan.

25 Walang sinuman sa langit

ang kailangan ko

kundi kayo lamang.

At walang anuman sa mundo

ang hinahangad ko

maliban sa inyo.

26 Manghina man ang aking

katawan at isipan,

kayo, O Diyos, ang aking kalakasan.

Kayo lang ang kailangan ko

magpakailanman.

27 Ang mga taong lumalayo sa inyo

ay tiyak na mapapahamak.

Ang mga nagtaksil sa inyo

ay lilipuling lahat.

28 Ngunit ako, minabuti kong

maging malapit sa Diyos.

Kayo, O Makapangyarihang Panginoon,

ang pinili kong kanlungan,

upang maihayag ko ang lahat

ng inyong mga ginawa.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-