1 Panginoon, buong puso kitang pasasalamatan.
Ilalahad ko ang lahat
ng inyong ginawang kahanga-hanga.
2 Dahil sa inyo, Kataas-taasang Diyos
akoʼy magsasaya.
Magagalak ako at aawit
ng mga papuri para sa inyo.
Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
3 Kapag kayoʼy nagpapakita sa aking mga kaaway,
natatakot sila at umaatras;
tumatakas sila at nadadapa,
at sa inyong harapan silaʼy namamatay.
4 Nakaupo kayo sa inyong trono
bilang matuwid na hukom.
Noong akoʼy inyong hinatulan,
napatunayan nʼyong wala akong kasalanan.
5 Hinatulan nʼyo at nilipol
ang mga bansang masasamâ,
kaya hindi na sila maaalala magpakailanman.
6 Tuluyan nang nawala ang aking mga kaaway;
sila ay lubusang nawasak.
Giniba nʼyo rin ang kanilang mga bayan,
at silaʼy lubusan nang makakalimutan.
7 Ngunit kayo, Panginoon
ay maghahari magpakailanman.
At handa na ang inyong trono
para sa paghatol.
8 Matuwid ninyong pinamumunuan
ang sangkatauhan,
silaʼy inyong hinahatulan
nang walang pagkiling kaninuman.
9 Panginoon, kayo ang kanlungan
ng mga inaapi,
at kublihan sa panahon ng kahirapan.
10 Sa inyo nagtitiwala
ang nakakakilala sa inyo,
dahil hindi nʼyo itinatakwil
ang mga lumalapit sa inyo.
11 Magsiawit kayo ng papuri
sa Panginoon na hari ng Jerusalem!
Ihayag ninyo sa mga bansa
ang kanyang mga ginawa!
12 Hindi niya nakakalimutan ang panawagan
ng mga pinahihirapan;
pinaghihigantihan niya
ang mga nagpapahirap sa kanila.
13 Panginoon, tingnan nʼyo po
ang pagpapahirap sa akin
ng aking mga kaaway.
Maawa kayo sa akin,
at iligtas nʼyo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang masabi ko sa lahat ng tao
sa pintuan ng Zion,
ang inyong mga ginawa,
at akoʼy magagalak at magpupuri
dahil sa inyong pagliligtas.
15 Nangyari mismo sa kanilang bansa
ang binalak nilang masama.
Sila mismo ang nahulog
sa sarili nilang bitag.
16 Kilala ang Panginoon sa kanyang mga gawang matuwid.
Ang masasamaʼy napahamak,
dahil rin sa kanilang masamang gawa.
17 Kamatayan ang hahantungan ng mga masasama.
Ang mga lilimot sa Diyos,
ganyan ang kahihinatnan nila.
18 Ang mga dukha ay hindi laging pababayaan,
at ang pag-asa ng mga mahihirap
ay hindi na mawawala kailanman.
19 O Panginoon, huwag nʼyong pabayaang manaig
ang kakayahan ng mga tao;
tipunin nʼyo sa inyong presensya
at hatulan ang mga taong
hindi kumikilala sa inyo.
20 Turuan nʼyo silang matakot Panginoon,
at nang malaman nilang silaʼy mga tao lamang.