Publicidade

Salmos 32

Awit na isinulat ni David. Isa itong maskil.

1 Mapalad ang isang tao

na ang mga pagsuway

at mga kasalanan ay pinatawad

at kinalimutan na ng Panginoon.

2 Mapalad ang tao na ang kasalanan

ay hindi ibinibintang sa kanya ng Panginoon,

at walang pandaraya sa kanyang puso.

3 Noong hindi ko pa ipinagtatapat

ang aking mga kasalanan,

buong araw akoʼy nanlulumo

at nanghihina ang aking katawan.

4 Araw-gabi, hirap na hirap ako

dahil sa tindi ng inyong pagdidisiplina sa akin.

Nawalan na ako ng lakas,

tulad ng natuyong tubig

sa panahon ng tag-araw.

5 Ngunit sa wakas ay ipinagtapat ko

ang aking mga kasalanan sa inyo;

hindi ko na ito itinago pa.

Sinabi ko nga sa sarili ko,

"Ipagtatapat ko na ang aking mga kasalanan sa Panginoon."

At pinatawad nʼyo ako.

6 Kaya ang lahat ng matapat

ay manalangin sana sa inyo,

habang may panahon pa.

Kung dumating man ang kapighatian

na parang baha,

hindi sila mapapahamak.

7 Kayo ang aking kublihan;

iniingatan nʼyo ako sa oras ng kaguluhan,

at pinalilibutan nʼyo ako

ng mga awit ng kaligtasan.

8 Sinabi ng Panginoon sa akin,

"Ituturo ko sa iyo ang daan

na dapat mong lakaran.

Papayuhan kita habang binabantayan.

9 Huwag kang tumulad sa kabayo o mola

na walang pang-unawa,

na kailangan pang rendahan

upang mapasunod."

10 Maraming hirap ang mararanasan

ng taong masama,

ngunit mamahalin ng Panginoon

ang sa kanya ay nagtitiwala.

11 Kayong mga matuwid, magalak kayo

at magsaya sa Panginoon.

Kayong mga namumuhay ng tama,

sumigaw kayo sa galak!

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-