Awit na isinulat ni Solomon para sa mga umaakyat sa Jerusalem upang sumamba sa Panginoon.
1 Kung wala ang tulong ng Panginoon
sa pagtayo ng bahay,
walang kabuluhan ang pagtatayo nito.
Kung wala ang pag-iingat ng Panginoon sa bayan,
walang kabuluhan ang pagbabantay dito.
2 Walang kabuluhan ang paggising nang maaga
at pagtulog nang gabing-gabi na sa pagtatrabaho upang may makain,
dahil ang Panginoon ang nagbibigay ng mga pangangailangan ng kanyang mga minamahal,
kahit silaʼy natutulog.
3 Ang mga anak ay pagpapala
at gantimpalang mula sa Panginoon.
4 Ang anak na isinilang sa panahon ng kabataan ng kanyang ama
ay parang pana sa kamay ng sundalo.
5 Mapalad ang taong may maraming anak,
dahil may tutulong sa kanya
kapag humarap siya sa kanyang mga kaaway sa hukuman.