1 Purihin ang Panginoon!
Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.
2 Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.
Aawitan ko ang aking Diyos
ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.
3 Huwag kayong magtiwala
sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,
dahil silaʼy hindi makapagliligtas.
4 Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,
at ang kanilang mga binabalak
ay mawawalang lahat.
5 Mapalad ang tao na ang tulong
ay nagmumula sa Diyos ni Jacob,
na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon,
na kanyang Diyos.
6 ang lumikha ng langit at lupa,
ng dagat at ng lahat ng narito.
Mananatili siyang tapat magpakailanman.
7 Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon
ang mga bilanggo.
8 Pinagagaling niya ang mga bulag
upang makakita,
pinalalakas ang mga nanghihina,
at ang mga matuwid ay minamahal niya.
9 Iniingatan niya ang mga dayuhan,
tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
ngunit hinahadlangan niya
ang mga kagustuhan ng masasamâ.
10 Mga taga-Zion, ang Panginoon
na inyong Diyos
ay maghahari magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!