Publicidade

Salmos 88

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ng mga anak ni Kora. Inaawit ito sa tono ng "Mahalat leanot". Isang maskil ni Heman, na mula sa angkan ni Ezra.

1 Panginoon, kayo ang Diyos

na aking Tagapagligtas.

Araw-gabi akong tumatawag sa inyo.

2 Dinggin ninyo ang aking dalangin

panawagan ko nawaʼy sagutin.

3 Napakaraming paghihirap

ang dumarating sa akin;

para bang ang kamatayaʼy unti-unting

lumalapit sa akin.

4 Akoʼy kabilang na sa mga ibinaon sa lupa;

katulad koʼy taong hindi na

matutulungan pa.

5 Pinabayaan na ako,

kasama ng mga patay,

parang isang nasawing nananahimik na lang

sa kanyang libingan,

na kinalimutan nʼyo na

at hindi tinutulungan.

6 Parang inilagay nʼyo ako

sa napakalalim at napakadilim na hukay.

7 Ang inyong poot ay sa akin ibinunton,

parang mga alon na humahampas sa akin.

8 Inilayo nʼyo sa akin ang aking

mga kaibigan

at ginawa nʼyo akong kasuklam-suklam

sa kanilang harapan.

Para akong nakakulong

at hindi na makatakas pa.

9 Dumidilim na ang paningin ko

dahil sa kalungkutan.

Panginoon, araw-araw akong tumatawag sa inyo

nang nakataas ang aking mga kamay.

10 Gumagawa ba kayo ng himala sa mga patay?

Bumabangon ba sila para kayoʼy papurihan?

11 Ang katapatan nʼyo ba at pag-ibig

ay pinag-uusapan sa libingan?

12 Makikita ba ang inyong mga himala

at katuwiran sa madilim na lugar

ng mga patay?

Doon sa lugar na iyon na

ang lahat ay kinakalimutan.

13 Kaya Panginoon, humihingi ako

ng tulong sa inyo.

Tuwing umaga, akoʼy nananalangin sa inyo.

14 Ngunit bakit nʼyo ako itinatakwil Panginoon?

Bakit nʼyo ako pinagtataguan?

15 Mula pa sa pagkabataʼy

hirap na ang dinanas,

at nalagay pa sa bingit ng kamatayan.

Tiniis ko ang mga nakakatakot

na ginawa nʼyo sa akin.

16 Ang inyong galit ay humampas sa akin

na parang malakas na hangin.

Halos mamatay ako sa mga nakakatakot

na ipinaranas nʼyo sa akin.

17 Dumating ang mga ito

na parang bahang lumamon sa akin.

18 Inilayo nʼyo sa akin

ang mga mahal ko sa buhay

at mga kaibigan;

wala akong naging kasama

kundi kadiliman.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-