1 Ang Panginoon ay naghahari!
Kaya magalak ang mundo,
pati na ang mga isla.
2 Napapalibutan siya ng makakapal na ulap
at naghahari nang may katuwiran at katarungan.
3 May apoy sa unahan niya
at sinusunog nito ang mga kaaway niyang
nakapalibot sa kanya.
4 Ang mga kidlat
niyaʼy nagliliwanag sa mundo.
Nanginginig sa takot ang mga tao
kapag nakikita ito.
5 Natutunaw na parang kandila
ang mga kabundukan
sa presensya ng Panginoon,
ang Panginoon na naghahari
sa buong mundo.
6 Ipinapahayag ng langit ang kanyang katuwiran,
at nakikita ng lahat ng tao
ang kanyang kaluwalhatian.
7 Mapapahiya ang lahat ng sumasamba
sa mga diyos-diyosan
at ang mga ipinagmamalaki ang mga ito.
Kayong lahat na mga diyos-diyosan
lumuhod at sambahin ninyo ang Diyos.
8 Panginoon, narinig ng mga taga-Zion
at ng mga taga-Juda ang tungkol sa inyong
wastong pamamaraan ng pamamahala,
kaya tuwang-tuwa sila.
9 Dahil kayo, Panginoon, ang Kataas-taasang Diyos
ay naghahari sa buong mundo.
Higit kayong dakila kaysa
sa lahat ng mga diyos.
10 Kayong mga umiibig sa Panginoon
ay dapat mamuhi sa kasamaan.
Dahil iniingatan ng Panginoon
ang buhay ng kanyang mga tapat na mamamayan
at inililigtas niya sila sa masasama.
11 Ang kabutihan ng Diyos
ay sumisinag sa matutuwid
at nagbibigay ito ng kagalakan sa kanila.
12 Kayong matutuwid, magalak kayo sa Panginoon.
Pasalamatan siya at purihin
ang kanyang pangalan!