Publicidade

Salmos 38

Awit na isinulat ni David kung saan ay hiniling niya sa Diyos na siyaʼy alalahanin.

1 Panginoon, sa inyong galit,

huwag nʼyo akong patuloy na parusahan.

2 Ang inyong palaso ay tumagos sa akin

at ang inyong kamao ay bumaon sa akin.

3 Dahil sa galit nʼyo sa akin,

nanlulupaypay ang aking katawan.

Sumasakit ang buong katawan ko

dahil sa aking mga kasalanan.

4 Parang nalulunod na ako

sa nag-uumapaw kong kasalanan.

Itoʼy isang pasanin

na hindi ko na makayanan.

5 Dahil sa aking kamangmangan

ang aking mga sugat

ay namamaga at nangangamoy.

6 Akoʼy namimilipit sa sobrang sakit

at lubos ang kalungkutan ko buong araw.

7 Sumasakit ang buo kong katawan,

at bumagsak na rin ang aking kalusugan.

8 Akoʼy pagod na at nanghihina pa,

at dumadaing din ako

dahil sa sobrang bigat ng aking kalooban.

9 Panginoon, alam nʼyo ang lahat kong hinahangad,

at naririnig nʼyo ang lahat kong mga daing.

10 Kumakabog ang aking dibdib

at akoʼy nanghihina;

pati ang ningning ng aking mga mata

ay tuluyan nang nawala.

11 Dahil sa aking karamdaman,

akoʼy iniwasan ng aking mga kaibigan, kasamahan,

at maging ng aking mga kamag-anak.

12 Ang mga tao na gustong pumatay sa akin

ay naglalagay ng bitag upang akoʼy hulihin.

Ang mga gustong manakit sa akin

ay nag-uusap na akoʼy ipahamak.

Buong araw silang nagpaplano ng kataksilan.

13 Ngunit para akong pipi at bingi

na hindi nakaririnig

at hindi nakapagsasalita.

14 Nagbibingi-bingihan ako

at hindi sumasagot sa kanila.

15 Sapagkat naghihintay pa rin ako

sa inyo, Panginoon.

Batid kong sasagutin nʼyo ako,

Panginoon kong Diyos.

16 Kayaʼt hinihiling ko sa inyo:

"Huwag nʼyong hayaang matuwa

ang aking mga kaaway

o kayaʼy magmalaki sila

kapag akoʼy natumba."

17 Akoʼy parang babagsak na

sa walang tigil na paghihirap.

18 Inaamin ko ang aking mga kasalanan;

Binabagabag ako ng mga ito.

19 Tungkol naman sa aking mga kaaway,

napakarami at napakalakas nila.

Kinamumuhian nila ako

nang walang dahilan.

20 Sa mabuti kong ginawa,

sinusuklian nila ako ng masama.

At kinakalaban nila ako

dahil nagsisikap akong gumawa ng mabuti.

21 Panginoon kong Diyos,

huwag nʼyo akong pababayaan;

huwag nʼyo akong lalayuan.

22 Panginoon kong Tagapagligtas,

agad nʼyo po akong tulungan.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-