Publicidade

Salmos 149

1 Purihin ang Panginoon!

Umawit kayo ng bagong awit sa Panginoon.

Purihin nʼyo siya sa pagtitipon

ng kanyang tapat na mga mamamayan.

2 Magalak ang mga taga-Israel

sa kanilang Manlilikha.

Magalak ang mga taga-Zion

sa kanilang Hari.

3 Magpuri sila sa kanya

sa pamamagitan ng pagsasayaw;

at tumugtog sila ng tamburin

at alpa sa pagpupuri sa kanya.

4 Dahil ang Panginoon ay nalulugod

sa kanyang mga mamamayan;

pinararangalan niya ang mga mapagpakumbaba

sa pamamagitan ng pagbibigay

sa kanila ng tagumpay.

5 Magalak ang mga tapat sa Diyos

dahil sa kanilang tagumpay;

umawit sila sa tuwa

kahit sa kanilang mga higaan.

6 Sumigaw sila ng pagpupuri sa Diyos

habang hawak ang matalim na espada,

7 upang maghiganti at magparusa

sa mamamayan ng mga bansa,

8 upang gapusin ang kanilang mga hari

at ikadena ang kanilang mga pinuno,

9 at parusahan sila ayon sa utos ng Diyos.

Itoʼy para sa kapurihan

ng mga tapat na mamamayan ng Diyos.

Purihin ang Panginoon!

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_06-50-08-