Publicidade

Salmos 115

1 Panginoon, hindi kami ang dapat na parangalan,

kundi kayo, dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.

2 Bakit kami kinukutya ng ibang bansa

at sinasabi nilang,

"Nasaan na ang inyong Diyos?"

3 Ang aming Diyos ay nasa langit,

at ginagawa niya ang kanyang nais.

4 Ngunit ang kanilang mga diyos

ay yari sa pilak at ginto

na gawa lang ng tao.

5 May bibig sila, ngunit hindi nakakapagsalita;

may mga mata, ngunit hindi nakakakita.

6 May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig;

may ilong, ngunit hindi nakakaamoy.

7 May mga kamay, ngunit hindi nakakahawak;

may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,

at kahit munting tinig ay wala kang marinig.

8 Ang mga gumawa ng mga diyos-diyosan

at nagtitiwala rito

ay matutulad sa mga ito.

9,10 Kayong mga mamamayan ng Israel

at kayong mga angkan ni Aaron,

magtiwala kayo sa Panginoon.

Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.

11 Kayong mga may takot sa Panginoon,

magtiwala kayo sa kanya.

Siya ang tutulong

at mag-iingat sa inyo.

12 Hindi tayo kinakalimutan ng Panginoon,

pagpapalain niya ang mga mamamayan

ng Israel at ang mga angkan ni Aaron.

13 Pagpapalain niya ang lahat

ng may takot sa kanya,

dakila man o aba.

14 Paramihin sana kayo ng Panginoon,

kayo at ang inyong mga angkan.

15 Sanaʼy pagpalain kayo ng Panginoon

na lumikha ng langit at ng lupa.

16 Ang kalangitan ay sa Panginoon,

ngunit ang mundo

ay ipinagkatiwala niya sa mga tao.

17 Ang mga patay ay hindi na

makakapuri sa Panginoon,

dahil sila ay nananahimik na.

18 Tayong mga buháy ang dapat magpuri

sa Panginoon

ngayon at magpakailanman.

Purihin ang Panginoon!

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-