Publicidade

Salmos 144

Awit na isinulat ni David.

1 Purihin ang Panginoon na aking batong kanlungan.

Siya na nagsasanay sa akin sa pakikipaglaban.

2 Siya ang aking Diyos na mapagmahal

at matibay na kanlungan.

Sa kanya ako kumakanlong

at humihingi ng kalinga.

Ipinasakop niya sa akin ang mga bansa.

3 Panginoon, ano ba ang tao upang pagmalasakitan nʼyo?

Tao lang naman siya, bakit nʼyo siya iniisip?

4 Ang tulad niyaʼy simoy ng hanging dumadaan,

at ang kanyang mga araw ay parang anino na mabilis mawala.

5 Panginoon, buksan nʼyo ang langit at bumaba kayo.

Hipuin nʼyo ang mga bundok upang magsiusok.

6 Gamitin nʼyong parang pana ang mga kidlat,

magsitakas at mangalat ang aking mga kaaway.

7 Mula sa langit, abutin nʼyo ako

at iligtas sa kapangyarihan ng aking mga kaaway

na mula sa ibang bansa,

na parang malakas na agos ng tubig.

8 Silaʼy mga sinungaling,

sumusumpa silang magsasabi ng katotohanan,

ngunit silaʼy nagsisinungaling.

9 O Diyos, aawitan kita ng bagong awit na sinasabayan ng alpa.

10 Kayo ang nagbigay ng tagumpay sa mga hari

at nagligtas sa inyong lingkod na si David mula sa kamatayan.

11 Iligtas nʼyo ako sa kapangyarihan

ng mga dayuhang kaaway,

na hindi nagsasabi ng totoo.

Silaʼy sumusumpang magsasabi ng katotohanan

ngunit silaʼy nagsisinungaling.

12 Sana habang bata pa ang aming mga anak na lalaki

ay maging katulad sila ng tanim

na tumutubong matibay,

at sana ang aming mga anak na babae

ay maging tulad ng naggagandahang haligi ng palasyo.

13 Sanaʼy mapuno ng lahat ng uri ng ani

ang aming mga bodega.

Dumami sana ng libu-libo

ang aming mga tupa sa pastulan,

14 at dumami rin sana ang maikargang produkto ng aming mga baka.

Hindi na sana kami salakayin

at bihagin ng mga kaaway.

Wala na rin sanang iyakan

sa aming mga lansangan

dahil sa kalungkutan.

15 Mapalad ang mga taong ganito ang kalagayan.

Mapalad ang mga taong ang Diyos ang kanilang Panginoon.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-