1 O Diyos, dinggin nʼyo
ang aking dalangin.
Ang paghingi ko ng tulong
ay bigyan nʼyo ng pansin.
2 Pakinggan nʼyo ako at sagutin,
naguguluhan ako sa aking
mga suliranin.
3 Nag-aalala na ako sa pananakot
at pang-aapi ng aking mga kaaway.
Sapagkat galit na galit sila,
ginugulo nila ako at pinagbabantaan.
4 Kumakabog ang dibdib ko
sa takot na akoʼy mamatay.
5 Nanginginig ako sa labis na takot;
nilalamon ako ng sindak.
6 At nasabi ko ito:
"Kung may pakpak lang ako
tulad ng kalapati,
lilipad ako at maghahanap
ng mapagpapahingahan.
7 Lilipad ako ng malayo
at doon mananahan sa ilang.
8 Maghahanap agad ako
ng mapagtataguan
upang makaiwas sa galit
ng aking mga kaaway
na tulad malakas na hangin o bagyo."
9 Panginoon, lituhin nʼyo
ang aking mga kaaway
at guluhin nʼyo ang kanilang
mga pag-uusap.
Dahil nakita ko ang karahasan
at kaguluhan sa lungsod.
10 Araw-gabi itong nangyayari.
Ang lungsod ay puno ng kasamaan
at kaguluhan.
11 Laganap ang kasamaan
at walang tigil ang pang-aapi
at pandaraya sa mga lansangan.
12 Matitiis ko kung ang kaaway ko
ang kumukutya sa akin.
Kung ang isang taong galit sa akin
ang magmamalaki sa akin,
maiiwasan ko siya.
13 Ngunit mismong kagaya ko,
kasama ko at kaibigan ko
ang sa akin ay nang-iinsulto.
14 Dati, malapít kami sa isaʼt isa,
at magkasama pa kaming
pumupunta sa bahay ng Diyos.
15 Sanaʼy mamatay na lang bigla
ang aking mga kaaway.
Sanaʼy malibing silang buhay
sa lugar ng mga patay.
Sapagkat kasamaan
ang nasa puso nila
at sa kanilang mga tahanan.
16 Ngunit ako ay humihingi ng tulong
sa Panginoong Diyos,
at inililigtas niya ako.
17 Umaga, tanghali at gabi,
dumadaing ako at nananaghoy,
at akoʼy pinapakinggan niya.
18 Inililigtas niya ako at iniingatan
sa aking pakikipaglaban,
kahit napakarami ng aking
mga kalaban.
19 Pakikinggan ako ng Diyos
na naghahari magpakailanman,
at ibabagsak niya ang aking mga kaaway.
Dahil ang aking mga kaaway
ay hindi nagbabago at walang takot sa Diyos.
20 Kinalaban ng dati kong kaibigan
ang kanyang mga kaibigan;
at hindi niya tinupad ang kanyang
mga pangako.
21 Malumanay at mahusay
nga siyang magsalita,
ngunit puno naman ng poot
ang kanyang puso,
at ang kanyang pananalita
ay nakakasugat
tulad ng matalim na espada.
22 Ibigay mo sa Panginoon
ang iyong mga alalahanin
at ikaw ay kanyang kakalingain.
Hindi niya pababayaan
ang mga matuwid, magpakailanman.
23 Ngunit itatapon niya
ang mga mamamatay-tao
at ang mga mandaraya
sa napakalalim na hukay
bago mangalahati ang kanilang buhay.
Ngunit ako, akoʼy magtitiwala sa kanya.