1 "Walang Diyos!"
Iyan ang sinasabi ng mga hangal
sa kanilang sarili.
Masasama sila at kasuklam-suklam
ang kanilang mga gawa.
Ni isa ay walang gumagawa ng mabuti.
2 Mula sa langit, tinitingnan ng Diyos
ang lahat ng tao,
kung may nakakaunawa ng katotohanan
at naghahanap sa kanya.
3 Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas
at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.
4 Kailan kaya matututo
ang masasamang tao?
Sinasamantala nila
ang aking mga kababayan
para sa kanilang pansariling kapakanan.
At hindi sila nananalangin sa Diyos.
5 Ngunit manginginig sila sa takot,
kahit sa mga bagay na hindi dapat katakutan.
Sapagkat ikakalat ng Diyos
ang mga buto ng mga sumasalakay sa inyo.
Malalagay sila sa kahihiyan,
dahil itinakwil sila ng Panginoon.
6 Sanaʼy dumating na ang Tagapagligtas
ng Israel mula sa Zion!
Magsasaya ang mga Israelita,
ang mga mamamayan ng Diyos,
kapag naibalik na niya
ang kanilang kasaganaan.