Publicidade

Salmos 135

1 Purihin ang Panginoon!

Purihin ninyo siya, kayong mga lingkod niya,

2 na naglilingkod sa bahay ng Panginoon,

sa bakuran ng Templo ng ating Diyos.

3 Purihin ninyo ang Panginoon,

dahil siya ay mabuti.

Umawit kayo ng mga papuri sa kanya,

dahil ito ay kaaya-aya.

4 Purihin ninyo siya!

Sapagkat pinili niya ang lahi ni Jacob

na maging kanya,

at ang mga mamamayan ng Israel

na mga lahi ni Jacob

na maging kanyang mahalagang ari-arian.

5 Alam kong ang Panginoon

ay higit na dakila kaysa

sa alin mang diyos-diyosan.

6 Ginagawa ng Panginoon

ang anumang nais niya

sa langit, sa lupa, sa dagat

at sa kailaliman.

7 Dinadala niya paitaas ang mga ulap

mula sa malalayong dako ng mundo,

at ipinadala ang kidlat

na may kasamang ulan.

Inilabas din niya ang hangin mula

sa kinalalagyan nito.

8 Pinatay niya ang mga anak na panganay

ng mga Ehipsiyo;

pati na ang mga panganay

ng kanilang mga hayop.

9 Gumawa rin siya dito ng mga himala

at mga kahanga-hangang bagay

upang parusahan ang Faraon

at ang lahat niyang mga lingkod.

10 Winasak niya ang maraming bansa,

at pinatay ang kanilang makapangyarihang mga hari,

11 katulad nina Sihon na hari ng Amoreo,

Haring Og ng Bashan,

at ang lahat ng hari ng Canaan.

12 Kinuha niya ang kanilang mga lupain

at ibinigay sa mga mamamayan niyang Israelita

upang maging kanilang pag-aari.

13 Panginoon, ang inyong pangalan

at katanyagan

ay hindi malilimutan sa lahat ng salinlahi.

14 Dahil patutunayan nʼyo, Panginoon,

na ang inyong lingkod

ay walang kasalanan,

at silaʼy inyong kahahabagan.

15 Ang mga diyos ng ibang mga bansa

ay mga yari sa pilak at ginto

na gawa ng tao.

16 May mga bibig,

ngunit hindi nakakapagsalita;

may mga mata,

ngunit hindi nakakakita.

17 May mga tainga,

ngunit hindi nakakarinig,

at hindi sila humihinga.

18 Ang mga gumawa ng diyos-diyosan

at ang lahat ng nagtitiwala rito

ay matutulad sa mga ito.

19,20 Kayong mga mamamayan ng Israel,

pati kayong mga angkan ni Aaron

at ang iba pang mga angkan ni Levi,

purihin ninyo ang Panginoon!

Kayong mga may takot sa Panginoon,

purihin ninyo siya!

21 Purihin ninyo ang Panginoon

na nasa Zion,

ang lungsod ng Jerusalem

na kanyang tahanan.

Purihin ang Panginoon!

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-