Publicidade

Salmos 42

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Isang maskil ng mga anak ni Kora.

1 Tulad ng usang sa tubig ng ilog

ay nasasabik,

O Diyos, ako sa inyoʼy nananabik.

2 Akoʼy nauuhaw sa inyo, Diyos na buháy.

Kailan pa kaya ako makakatayo

sa presensya nʼyo?

3 Araw-gabiʼy luha ko lang ang aking pagkain,

habang sinasabi sa akin

ng aking mga kaaway,

"Nasaan na ang Diyos mo?"

4 Sumasama ang loob ko kapag naaalala ko

na dati ay pinangungunahan ko

ang maraming tao

na pumupunta sa bahay ng Diyos.

At kami ay nagdiriwang,

sumisigaw sa kagalakan

at nagpapasalamat sa inyo.

5 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?

Dapat magtiwala ako sa inyo.

Pupurihin ko kayong muli,

aking Diyos at Tagapagligtas!

6,7 Nanghihina ang loob ko.

Akoʼy parang tinabunan nʼyo ng malalaking alon,

na umuugong na parang tubig sa talon.

Kaya dito ko muna kayo inaalala

sa paligid ng Ilog Jordan at Hermon,

sa Bundok ng Mizar.

8 Sa araw, Panginoon, ipinapakita nʼyo

ang inyong pag-ibig.

Kaya sa gabi, umaawit ako

ng aking dalangin sa inyo,

O Diyos na nagbigay ng buhay ko.

9 O Diyos, na aking batong kanlungan,

akoʼy nagtatanong,

"Bakit nʼyo ako kinalimutan?

Bakit kinakailangan pang magdusa ako

sa pang-aapi ng aking mga kaaway?"

10 Para bang tumatagos na

sa aking mga buto

ang pang-iinsulto ng aking mga kaaway.

Patuloy nilang sinasabi,

"Nasaan na ang Diyos mo?"

11 Bakit nga ba ako nalulungkot

at nababagabag?

Dapat magtiwala ako sa inyo.

Pupurihin ko kayong muli,

aking Diyos at Tagapagligtas!

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-