1 Bumubulong ang kasalanan
sa puso ng masamang tao.
Ni wala man lang siyang takot sa Diyos.
2 Dahil mataas ang tingin niya sa kanyang sarili,
hindi niya nakikita ang kanyang kasalanan
upang kamuhian ito.
3 Ang kanyang mga sinasabi
ay puro kasamaan at kasinungalingan.
Hindi na niya iniisip ang paggawa
ng ayon sa karunungan at kabutihan.
4 Kahit siyaʼy nakahiga,
nagbabalak siya ng masama.
Napagpasyahan niyang gumawa nang hindi mabuti,
at hindi niya tinatanggihan ang kasamaan.
5 Panginoon, ang inyong pag-ibig at katapatan
ay umaabot hanggang sa kalangitan.
6 Ang inyong katuwiran
ay kasintatag ng kabundukan.
Ang inyong paraan ng paghatol
ay sinlalim ng karagatan.
Ang mga tao o hayop man
ay inyong iniingatan, O Panginoon.
7 Napakahalaga ng pag-ibig nʼyong
walang hanggan, O Diyos!
Nakakahanap ang tao ng pagkalinga sa inyo,
tulad ng pagkalinga ng inahing manok
sa kanyang mga inakay sa ilalim
ng kanyang pakpak.
8 Sa inyong tahanan ay pinakakain nʼyo sila
nang masaganang handa,
at pinaiinom nʼyo sila sa inyong ilog
ng kaligayahan.
9 Dahil kayo ang nagbibigay ng buhay.
Pinapaliwanagan nʼyo kami,
at naliliwanagan ang aming isipan.
10 Patuloy nʼyong ibigin
ang mga kumikilala sa inyo,
at bigyan nʼyo ng katarungan
ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Huwag nʼyong payagang akoʼy tapakan
ng mga mapagmataas
o itaboy ng mga masasamâ.
12 Ang masasamang tao
ay mapapahamak nga.
Silaʼy babagsak at hindi na muling makakabangon pa.