1 Kayo ay hari, Panginoon;
nadadamitan ng karangalan
at kapangyarihan.
Matatag ninyong itinayo ang mundo
kaya hindi ito matitinag.
2 Ang inyong trono ay naitatag na
simula pa noong una,
naroon na kayo noon pa man.
3 Panginoon, umuugong ang dagat
at nagngangalit ang mga alon.
4 Ngunit Panginoong nasa langit,
higit kayong makapangyarihan
kaysa sa mga nagngangalit na alon.
5 Mapagkakatiwalaan ang inyong mga utos Panginoon,
at ang inyong Temploʼy nararapat lamang
na ituring na banal magpakailanman.