1 Mahal ko ang Panginoon,
dahil dinidinig niya ang paghingi ko
ng tulong sa kanya.
2 Dahil pinakikinggan niya ako,
patuloy akong tatawag sa kanya habang akoʼy nabubuhay.
3 Natakot ako dahil nararamdaman kong
malapit na akong mamatay.
Ang kamatayan ay parang tali
na pumupulupot sa akin.
Nag-aalala ako at naguguluhan,
4 kaya tumawag ako sa Panginoon,
"Panginoon, iligtas nʼyo po ako."
5 Ang Panginoon nating Diyos
ay mabuti, matuwid at mahabagin.
6 Iniingatan ng Panginoon
ang mga kulang sa kaalaman.
Nang wala na akong magawa,
akoʼy iniligtas niya.
7 Magpapakatatag ako,
dahil ang Panginoon
ay mabuti sa akin.
8 Sapagkat iniligtas niya ako sa kamatayan,
sa kalungkutan at kapahamakan.
9 Kaya mamumuhay ako na malapit sa Panginoon dito sa mundo ng mga buháy.
10 Kahit na sinabi kong,
"Sukdulan na ang paghihirap ko,"
nagtitiwala pa rin ako sa kanya.
11 Sa aking pagkabalisa ay nasabi kong,
"Wala ni isang taong mapagkatiwalaan."
12 Ano kaya ang maigaganti ko sa Panginoon
sa lahat ng kabutihan niya sa akin?
13 Sasambahin ko ang Panginoon,
at maghahandog ako sa kanya ng pasasalamat
sa kanyang pagliligtas sa akin.
14 Tutuparin ko ang aking
mga pangako sa Panginoon
sa harap ng kanyang mga mamamayan.
15 Nasasaktan ang Panginoon
kung mamatay ang kanyang
mga tapat na mga mamamayan. ang kamatayan ng kanyang tapat na mga mamamayan.
16 Panginoon, ako nga ay inyong lingkod.
Iniligtas nʼyo ako sa pagkabihag.
17 Sasamba ako sa inyo
at mag-aalay ng handog bilang pasasalamat.
18 Tutuparin ko ang aking mga pangako
sa inyo Panginoon
sa harap ng inyong mga mamamayan,
19 doon sa inyong templo sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!