Publicidade

Salmos 72

Awit na isinulat ni Solomon.

1 O Diyos, ituro nʼyo po sa hari

ang iyong pamamaraan sa paghatol

at katuwiran,

2 upang makatarungan siyang makapaghatol

sa inyong mga mamamayan,

pati na sa mga dukha.

3 Sumagana sana ang mga kabundukan

upang mapagpala ang inyong mga mamamayan

dahil matuwid ang hari.

4 Tulungan nʼyo siyang maipagtanggol

ang mga dukha

at durugin ang mga umaapi sa kanila.

5 Nawaʼy katakutan ka nila, magpakailanman,

hanggang ang araw ay sumisikat,

hanggang ang buwan ay naroon sa kalangitan.

6 Ang hari sanaʼy maging tulad ng ulan

na bumubuhos sa parang,

ulan na dumidilig sa kalupaan.

7 Umunlad sana ang buhay ng mga matuwid

sa panahon ng kanyang pamumuno,

at maging maayos ang kalagayan ng tao

hanggang sa wakas ng panahon.

8 Lumawak sana nang lumawak

ang kanyang kaharian,

mula sa ilog ng Eufrates

hanggang sa pinakadulo ng mundo.

9 Magpasakop sana sa kanya

ang mga kaaway niyang nakatira sa ilang.

10 Magbigay sana ng buwis sa kanya

ang mga hari ng Tarsis,

at mga kaloob ang mga hari

ng Sheba at Seba.

11 Magpasakop sana sa kanya

ang lahat ng hari

at ang lahat ng bansa ay maglingkod sa kanya.

12 Inililigtas niya ang mga dukha

na humihingi ng tulong,

gayundin ang mga mahihirap

na walang tumutulong.

13 Kahahabagan niya ang mga dukha

at nangangailangan

at silaʼy kanyang tutulungan.

14 Ililigtas niya sila sa mga malulupit

at mapang-api

dahil para sa kanya,

ang buhay nilaʼy mahalaga.

15 Mabuhay sana ang hari nang matagal.

Sanaʼy mabigyan siya ng ginto

mula sa Sheba.

Sanaʼy idalangin palagi ng mga tao

na pagpalain siya ng Diyos.

16 Sumagana sana ang ani sa lupain

maging sa tuktok ng bundok,

katulad ng mga ani sa Lebanon.

Dumami rin sana ang mga tao

sa mga lungsod,

kasindami ng damo sa mga parang.

17 Huwag sanang malimutan

ang pangalan ng hari

magpakailanman,

habang sumisikat pa ang araw.

Sa pamamagitan sana niya

ay pagpalain ng Diyos ang lahat ng bansa,

at sabihin sana ng mga ito

na siyaʼy pinagpala ng Diyos.

18 Purihin ang Panginoong Diyos,

ang Diyos ng Israel,

na siyang tanging nakagagawa

ng mga bagay

na kamangha-mangha.

19 Purihin ang kanyang dakilang pangalan

magpakailanman!

Mahayag sana sa buong mundo

ang kanyang kaluwalhatian.

Amen! Amen!

20 Dito nagwawakas ang mga panalangin ni David

na anak ni Jesse.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-