1 Panginoon, tumatawag po ako sa inyo;
nawaʼy agad ninyo akong tulungan.
Dinggin ninyo ang panawagan ko sa inyo.
2 Tanggapin nʼyo sana ang dalangin ko bilang insenso,
ang pagtataas ko ng aking mga kamay bilang handog panggabi.
3 Panginoon, tulungan nʼyo akong huwag makapagsalita ng masama.
4 Ilayo nʼyo ako sa gawaing masama at sa mga taong gumagawa nito.
Ilayo nʼyo rin ako sa kanilang mga handaan upang huwag makisalo.
5 Tatanggapin ko ang parusa at pagsaway ng taong matuwid,
dahil ginagawa niya ito na may pag-ibig at pagmamalasakit sa akin.
Itoʼy parang langis sa aking ulo.
Ngunit sa masasamang tao ang lagi kong panalangin
ay laban sa kanilang masasamang gawain.
6 Kapag itinapon na ang kanilang mga pinuno sa mabatong bangin,
maniniwala silang totoo ang mga sinasabi ko.
7 Sasabihin nila, "Kakalat sa libingan ang mga buto natin
katulad ng mga bato na naglalabasan at kumakalat kapag inaararo ang lupa."
8 O Makapangyarihang Panginoon, akoʼy lumalapit sa inyo.
Hinihiling ko sa inyo na ingatan nʼyo ako,
huwag nʼyong hahayaang akoʼy mamatay.
9 Ilayo nʼyo ako mula sa mga bitag
na inilaan sa akin ng masasamang tao.
10 Sila sana ang mahulog sa sarili nilang bitag,
habang ako naman ay makakaiwas doon.