1 Dakila ang Panginoon na ating Diyos,
at karapat-dapat na papurihan
sa kanyang bayan,
ang kanyang banal na bundok.
2 Itoʼy mataas at maganda,
at nagbibigay kagalakan sa buong mundo.
Ang banal na bundok ng Zion
ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.
3 Ang Diyos ay nasa mga muog ng Jerusalem,
at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas
ng mga taga-Jerusalem.
4 Nagtipon-tipon ang mga hari
upang sumalakay sa Jerusalem.
5 Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan,
nagulat, natakot at nagsitakas sila.
6 Dahil sa takot, nanginig sila
gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.
7 Winasak sila ng Diyos
tulad ng mga barkong panglayag
na sinisira ng hanging amihan.
8 Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Diyos,
pero ngayon, tayo mismo ang nakakita
sa ginawa niya sa kanyang bayan.
Siya ang Panginoon ng Hukbo,
at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.
9 Sa loob ng inyong Templo, O Diyos,
iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.
10 O Diyos, dakila ang pangalan nʼyo,
at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo.
Ang kapangyarihan nʼyo
ay laging makatarungan.
11 Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion,
at ng mga bayan ng Juda,
dahil sa inyong makatarungang paghatol.
12 Mga mamamayan ng Diyos,
libutin ninyo ang Zion
at bilangin ninyo ang mga tore nito.
13 Tingnan ninyong mabuti ang mga pader
at ang mga tanggulan ng bayan na ito,
upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,
14 "Siya ang Diyos,
ang Diyos natin magpakailanman.
Siya ang gagabay sa atin
habambuhay."