Publicidade

Salmos 46

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ng mga anak ni Kora. Inaawit ito ng soprano.

1 Ang Diyos ang ating kanlungan

at kalakasan.

Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo

sa oras ng kagipitan.

2 Kaya huwag tayong matatakot

kahit lumindol man,

at gumuho ang mga bundok

at bumagsak sa karagatan.

3 Humampas man at umugong

ang mga alon na naglalakihan,

at mayanig ang kabundukan.

4 May ilog na nagbibigay ng kagalakan

sa bayan ng Diyos,

sa banal na tahanan ng Kataas-taasang Diyos.

5 Ang Diyos ay nakatira sa lungsod na ito

kaya hindi ito magigiba.

Itoʼy kanyang ipagtatanggol sa kinaumagahan.

6 Nagkakagulo ang mga bansa;

bumabagsak ang mga kaharian.

Sa sigaw ng Diyos, ang mga tao

ay parang matutunaw sa takot.

7 Ang Panginoon ng mga Hukbo

ay kasama natin.

Ang Diyos ni Jacob

ang kanlungan natin.

8 Halika, tingnan mo ang mga kahanga-hangang bagay

na ginagawa ng Panginoon sa mundo.

9 Kanyang pinatitigil ang mga digmaan

sa lahat ng sulok ng mundo.

Binabali niya ang mga sibat,

pinuputol ang mga pana,

at sinusunog ang mga kalasag.

10 Sinasabi niya,

"Tumigil kayo at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.

Akoʼy pararangalan sa mga bansa.

Akoʼy papupurihan sa buong mundo."

11 Kasama natin ang Panginoon ng mga Hukbo.

Ang Diyos ni Jacob ang ating kanlungan.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-