1 Panginoon, kayo ang Diyos na naghihiganti.
Ipakita nʼyo na ang inyong katarungan.
2 Kayo ang humahatol sa lahat ng tao,
kumilos na po kayo Panginoon,
gantihan nʼyo na nang nararapat ang mayayabang.
3 Hanggang kailan magdiriwang ang masasama,
Panginoon?
4 Silang lahat na gumagawa ng masama
ay ubod ng yabang.
5 Inaapi nila ang inyong mga mamamayan, Panginoon
sinasaktan nila ang inyong mga hinirang.
6 Pinapatay nila ang mga biyuda
at mga dayuhan,
pati na ang mga ulila.
7 Sinasabi nila, "Hindi makikita ng Panginoon ang ginagawa namin;
hindi ito mapapansin ng Diyos ni Jacob."
8 Kayong mga hangal at mahihina ang utak,
kailan ba kayo makakaunawa?
Unawain ninyo ito:
9 Ang Diyos na gumawa ng ating mga tainga at mata,
hindi ba nakakarinig o nakakakita?
10 Akala nʼyo baʼy hindi ni magpaparusa ang Diyos
na siyang dumidisiplina sa mga bansa?
Akala nʼyo baʼy kulang siya sa kaalaman?
11 Alam ng Panginoon na ang iniisip ng mga tao
ay walang kabuluhan.
12 O Panginoon, pinagpala ang taong
pinangangaralan nʼyo
sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanya
ng inyong mga kautusan.
13 Tinuturuan nʼyo siya
upang magkaroon siya ng kapayapaan
sa oras ng kaguluhan hanggang sa oras
na ang masasamá ay inyong parusahan.
14 Dahil hindi nʼyo itatakwil, Panginoon,
ang mamamayang pag-aari ninyo.
15 Darating ang araw na ang paghatol
ay muling magiging makatarungan
at itoʼy susundin ng lahat ng namumuhay
nang matuwid.
16 Walang tumutulong sa akin
laban sa mga taong gumagawa ng kasamaan
kundi kayo lang, Panginoon.
17 Kung hindi nʼyo ako tinulungan Panginoon,
maaaring patay na ako ngayon.
18 Nang sabihin kong parang
mamamatay na ako,
ang inyong pag-ibig at awa, Panginoon,
ang tumulong sa akin.
19 Kapag gulong-gulo ang isip ko,
inaaliw nʼyo ako at akoʼy sumasaya.
20 Hindi kayo maaaring pumanig sa masasamang hukom
na gumagawa ng kasamaan
sa pamamagitan ng kautusan.
21 Sama-sama silang kumakalaban sa matutuwid
at hinahatulan nila ng kamatayan ang walang kasalanan.
22 Ngunit kayo, Panginoon na aking Diyos
ay aking tagapagtanggol
at batong kanlungan.
23 Parurusahan nʼyo sila
dahil sa kanilang mga kasalanan.
Tiyak na lilipulin nʼyo sila,
O Panginoon naming Diyos.