1 Panginoon, tulungan po ninyo kami,
dahil wala nang tapat sa inyo,
at wala na ring naninindigan
sa katotohanan.
2 Nagsisinungaling sila sa kanilang kapwa.
Nambobola sila upang makapandaya ng iba.
3 Patigilin sana ng Panginoon
ang mga nambobola,
at ang mga mayayabang.
4 Sinasabi nila,
"Sa pamamagitan ng aming pananalita
ay magtatagumpay kami.
Sasabihin namin ang gusto naming sabihin,
at walang sinumang makakapigil sa amin."
5 Sinabi ng Panginoon,
"Kikilos ako! Nakikita ko ang kaapihan ng mga dukha,
at naririnig ko ang iyakan ng mga naghihirap.
Kayaʼt ibibigay ko sa kanila
ang pinapangarap nilang kaligtasan."
6 Ang pangako ng Panginoon ay purong katotohanan,
gaya ng purong pilak na pitong ulit na nilinis
sa nagliliyab na pugon.
7 Panginoon, nalalaman namin
na kami ay inyong iingatan,
at ilalayo sa masamang henerasyong ito,
magpakailanman.
8 Nagkalat ang mga masasamâ,
at pinupuri pa ng lahat
ang kanilang kasuklam-suklam na gawa.