1 Kataas-taasang Diyos na Panginoon namin,
napakasarap magpasalamat
at umawit ng papuri sa inyo.
2 Napakasarap ipahayag
ang inyong pag-ibig at katapatan,
araw at gabi,
3 habang tumutugtog ng mga instrumentong
may kuwerdas.
4 Sapagkat pinasaya nʼyo ako, Panginoon,
sa pamamagitan ng inyong
mga kahanga-hangang gawa.
At dahil dito, akoʼy umaawit sa tuwa.
5 O Panginoon, kay dakila ng inyong mga gawa.
Hindi namin kayang unawain.
6 Hindi maunawaan ng mga hangal at matitigas ang ulo
7 na kahit umunlad ang taong masama
gaya ng damong lumalago,
ang kahahantungan pa din niya
ay walang hanggang kapahamakan.
8 Ngunit kayo, Panginoon,
ay dakila sa lahat magpakailanman.
9 Tiyak na mapapahamak
ang lahat ng inyong kaaway
at kakalat ang lahat
ng gumagawa ng masama.
10 Pinalakas nʼyo ako na
tulad ng lakas ng toro
at binigyan nʼyo rin ako ng kagalakan.
11 Nasaksihan ko ang pagkatalo
ng aking mga kaaway,
at narinig ko ang pagdaing ng masasamang kumakalaban sa akin.
12 Uunlad ang buhay ng mga matuwid
gaya ng mga palma,
at tatatag na parang puno ng sedro
na tumutubo sa Lebanon.
13 Para silang mga punong itinanim sa templo ng Panginoon na ating Diyos,
na tumutubo nang mayabong,
14 lumalago at namumunga
kahit matanda na,
berdeng-berde ang mga dahon
at nananatiling matatag.
15 Ipinapakita lamang nito na ang Panginoon,
ang aking Batong kanlungan, ay matuwid.
Sa kanyaʼy walang anumang
kalikuan na matatagpuan.