Publicidade

Salmos 52

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Isa itong maskil ni David Isinulat niya ito pagkatapos pumunta ni Doeg na taga-Edom kay Saul para sabihin na si David ay pumunta sa bahay ni Ahimelec.

1 Ikaw na taong matapang,

bakit mo ipinagyayabang

ang iyong kasamaan?

Hindi baʼt ang Diyos

ay palaging mabuti sa iyo?

2 Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,

kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,

at lagi kang nagsisinungaling.

3 Minamahal mo ang kasamaan

kaysa sa kabutihan,

at mas nais mong magsinungaling

kaysa magsabi ng katotohanan.

4 Taong sinungaling,

ang gusto moʼy makapanakit ng iba

sa pamamagitan ng iyong pananalita.

5 Ngunit dudurugin ka ng Diyos nang tuluyan.

Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;

bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buháy.

6 Makikita ito ng mga matuwid

at magtataka sila.

Pagtatawanan ka nila at sasabihing,

7 "Tingnan ninyo ang taong

hindi nanalig sa Diyos

bilang matibay niyang kanlungan.

Sa halip, nagtiwala lang

sa kanyang masaganang kayamanan,

at patindi nang patindi

ang kanyang kasamaan."

8 Ngunit akoʼy tulad ng punong olibo

na yumayabong sa loob

ng bahay ng Diyos.

Nagtitiwala ako sa kanyang pag-ibig, magpakailanman.

9 Pasasalamatan ko kayo magpakailanman

dahil sa mga ginawa ninyo.

At sa harapan ng mga matatapat sa inyo,

ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.

Veja também

Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-07-05_19-25-13-