1 Ipinapakita ng kalangitan
ang kaluwalhatian ng Diyos!
Inihahayag ng kalawakan
ang gawa ng kanyang mga kamay.
2 Araw-araw, sinasabi ng kalangitan
ang tungkol dito,
gabi-gabi, ipinaaalam ng kalawakan
ang tungkol sa kanyang kapangyarihan.
3 Kahit walang salita o tinig
na mula sa kanilaʼy naririnig,
4 napapakinggan pa rin sa buong daigdig
ang kanilang salitaʼt tinig.
Doon sa kalangitan,
iginawa ng Diyos ang araw ng tirahan.
5 Tuwing umagaʼy sumisikat ito
katulad ng isang lalaking ikakasal
na masayang lumalabas
ng kanyang tahanan.
O kayaʼy isang manlalarong kampeon
na sabik na sabik sumabak sa takbuhan.
6 Itoʼy sumisikat sa silangan,
at lumulubog sa kanluran;
walang di mahahagip ng init
nitong taglay.
7 Ang kautusan ng Panginoon
ay walang kamalian.
Itoʼy nagbibigay sa atin
ng bagong kalakasan.
Ang mga turo ng Panginoon
ay mapagkakatiwalaan,
at nagbibigay karunungan
sa mga kulang sa kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama
at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.
Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw
at nagbibigay-liwanag sa kaisipan.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon
ay nagpapadalisay ng puso;
mananatili ito magpakailanman.
Ang mga utos ng Panginoon
ay matuwid
at makatarungan.
10 Ang mga itoʼy higit pa kaysa ginto
kahit pa sa purong ginto,
at mas matamis pa
kaysa sa pulot-pukyutan.
11 Ang inyong mga utos,
ay nagbibigay babala sa akin
na inyong lingkod.
May dakilang gantimpala
kapag itoʼy aking sinusunod.
12 Hindi namin napapansin
ang aming mga kamalian.
Kaya linisin po ninyo ako
sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.
13 Ilayo rin ninyo ako
sa kasalanang sadya kong ginagawa.
Huwag po ninyong payagan
na alipinin ako nito.
At mamumuhay ako
nang walang kapintasan,
lubos na lalaya
sa maraming kasalanan.
14 Nawaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon
ang aking iniisip at sinasabi.
Kayo,
ang aking batong kanlungan
at tagapagligtas!