Publicidade

Salmos 81

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni Asaf na sinasaliwan ng instrumentong may kuwerdas.

1 Umawit kayo nang may galak

sa Diyos na nagbibigay sa atin

ng kalakasan.

Sumigaw kayo nang may tuwa

sa Diyos ni Jacob!

2 Umawit kayo at tugtugin

ang tamburin

kasabay ng magandang tunog

ng alpa at lira.

3 Patunugin ninyo ang tambuli

tuwing Pista ng Bagong Buwan

na ating ipinagdiriwang

tuwing kabilugan ng buwan.

4 Dahil isa itong kautusan

para sa mga taga-Israel.

Itoʼy utos ng Diyos ni Jacob.

5 Ibinigay niya ang kautusang ito

sa lahi ni Jose

nang siyaʼy sumalakay

sa lupain ng Ehipto.

May narinig akong tinig

ngunit hindi ko kilala.

Sinabi niya,

6 "Kinuha ko ang mabigat niyang pasanin,

Pinalaya ko ang kanyang mga kamay sa dalahin.

7 Nang kayoʼy nahirapan,

tumawag kayo sa akin

at kayoʼy iniligtas ko.

Mula sa mga alapaap,

sinagot ko kayo at sinubok

doon sa bukal ng Meriba.

8 Mga Israelita, aking mamamayan,

pakinggan ninyo itong babala ko sa inyo.

Makinig kayo sa akin!

9 Wala kayong ibang magiging diyos kundi ako lang.

Huwag kayong sumamba

sa diyos-diyosan.

10 Ako ang Panginoon

na inyong Diyos.

Ako ang naglabas sa inyo

mula sa lupain ng Ehipto.

Humingi kayo sa akin

at ibibigay ko sa inyo

ang mga pangangailangan ninyo.

11 Ngunit kayong mga Israelita

na aking mga mamamayan,

hindi kayo nakinig at sumunod sa akin.

12 Kaya hinayaan ko kayo

sa katigasan ng inyong ulo

at ginawa ninyo ang inyong gusto.

13 Kung nakinig lang sana kayo sa akin

at sumunod sa aking mga pamamaraan,

14 kaagad ko sanang nilupig

at pinarusahan ang inyong mga kaaway.

15 Ang mga napopoot sa akin,

na Panginoon

ay yuyukod sa takot.

Ang kaparusahan nila

ay walang katapusan.

16 Ngunit kayo na aking mga mamamayan,

pakakainin ko kayo ng pinakamainam

na bunga ng trigo at pulot

hanggang sa mabusog kayo."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-