1 Pupurihin ko ang Panginoon!
Buong buhay kong pupurihin
ang kanyang kabanalan.
2 Pupurihin ko ang Panginoon,
at hindi kalilimutan
ang kanyang kabutihan.
3 Pinatatawad niya
ang lahat kong kasalanan,
at pinagagaling
ang lahat kong karamdaman.
4 Inililigtas niya ako
sa kapahamakan,
at pinagpapala ng kanyang pag-ibig at habag.
5 Pinagkakalooban niya ako
ng mga mabubuting bagay
habang akoʼy nabubuhay.
Kaya akoʼy parang nasa
aking kabataan
at malakas tulad ng agila.
6 Ang Panginoon ay matuwid
sa paghatol;
binibigyang-katarungan ang lahat ng inaapi.
7 Ipinahayag niya kay Moises
ang kanyang pamamaraan,
at inihayag sa mamamayan ng Israel
ang kanyang mga gawang
makapangyarihan.
8 Ang Panginoon ay mahabagin
at matulungin,
hindi madaling magalit
at sagana sa pagmamahal.
9 Hindi siya palaging nanunumbat,
at hindi nananatiling galít.
10 Hindi niya tayo pinarurusahan
ayon sa ating mga kasalanan.
Hindi niya tayo ginagantihan
batay sa ating pagkukulang.
11 Dahil kung gaano man kalaki
ang agwat ng langit sa lupa,
ganoon din kalaki ang pag-ibig ng Diyos
sa mga may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo
ang silangan sa kanluran,
ganoon din niya inilalayo sa atin
ang ating mga kasalanan.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag
sa kanyang mga anak;
ganoon din ang pagkahabag ng Panginoon
sa mga may takot sa kanya.
14 Sapagkat alam niya ang ating kahinaan,
alam niyang tayoʼy mula
sa alabok lamang.
15 Ang buhay ng tao
ay tulad ng damo.
Tulad ng bulaklak sa parang,
itoʼy lumalago.
16 At kapag umiihip ang hangin,
itoʼy nawawala at hindi na nakikita.
17 Ngunit ang pag-ibig ng Panginoon
ay walang hanggan
sa sinumang may takot sa kanya;
ang matuwid niyang gawa
ay wala ring katapusan.
18 Ang magkakamit nitoʼy ang tapat
sa kasunduan,
at tapat na sumusunod
sa kanyang kautusan.
19 Itinatag ng Panginoon
ang kanyang trono
sa kalangitan,
at siyaʼy naghahari sa lahat.
20 Purihin ninyo ang Panginoon,
kayong mga anghel niya,
na nakikinig at sumusunod
sa kanyang mga salita.
21 Purihin ninyo ang Panginoon,
kayong lahat na mga nilalang niya
sa langit, na naglilingkod sa kanya
at sumusunod
sa kanyang kalooban.
22 Purihin ninyo ang Panginoon,
kayong lahat na mga nilalang niya
sa lahat ng dako
na kanyang pinaghaharian.
Purihin ang Panginoon!