1 Panginoon, huwag nʼyong kalilimutan si David
at ang lahat ng paghihirap na kanyang tiniis.
2 Alalahanin nʼyo ang pangako niya sa inyo Panginoon,
kayo na Makapangyarihang Diyos ni Jacob.
Ipinangako niya,
3 "Hindi ako uuwi sa aking bahay
ni hihimlay sa aking higaan.
4 Hindi ko hahayaang dalawin ako ng antok
ni ipikit ang aking mga mata
5 hanggaʼt hindi ako nakakakita ng lugar
na matitirhan ng Panginoon,
ang Makapangyarihang Diyos ni Jacob."
6 Nang kami ay nasa Efrata nabalitaan namin kung nasaan ang Kaban ng Kasunduan,
at natagpuan namin ito sa kapatagan ng Jaar.
7 Sinabi namin, "Pumunta tayo sa tahanan ng Panginoon,
at sumamba tayo sa kanya sa harap ng kanyang trono."
8 Panginoon, pumasok po kayo sa inyong tahanan
kasama ang Kahon ng inyong Kasunduan,
na simbolo ng inyong kapangyarihan.
9 Sanaʼy palaging mamuhay ng matuwid
ang inyong mga pari,
at umawit nang may kagalakan
ang inyong mga tapat na mamamayan.
10 Alang-alang kay David na inyong lingkod,
huwag ninyong itatakwil ang haring inyong hinirang.
11 Nangako kayo noon kay David,
at itoʼy tiyak na inyong tutuparin
at hindi babawiin.
Sinabi ninyo, "Isa sa iyong angkan
ang papalit bilang hari.
12 At kung ang iyong angkan ay tutupad
sa aking kasunduan at susunod
sa mga turo sa kanila,
ang kanilang mga anak ay maghahari rin
magpakailanman."
13 Sapagkat pinili ng Panginoon ang Zion
hinangad niya ito na maging tahanan niya.
Sinabi niya,
14 "Ito ang aking tirahan magpakailanman;
dito ako maninirahan dahil ito ang nais ko.
15 Bibiyayaan ko ang Zion
ng lahat niyang pangangailangan,
mga mamamayan niyang dukha
ay aking bubusugin.
16 Ililigtas ko ang kanyang mga pari,
at ang kanyang tapat na mamamayan
ay aawit sa kagalakan.
17 "Paghahariin ko sa Zion ang haring
mula sa angkan ni David,
at gagawin ko siyang parang ilawan
na pumapatnubay sa mga tao.
18 Hihiyain ko ang kanyang mga kaaway,
ngunit pauunlarin ko ang kaharian niya."