Publicidade

João 12

Binuhusan ng Pabango si Hesus

1 Anim na araw bago dumating ang Pista ng Paglampas ng Anghel, pumunta si Hesus sa Betania kung saan nakatira si Lazaro na muli niyang binuhay. 2 Naghanda sila roon ng hapunan para kay Hesus. Si Lazaro ang isa sa mga kasalo ni Hesus sa pagkain. Si Marta ang nagsilbi sa kanila. 3 Kumuha si Maria ng kalahating litro ng mamahaling pabango na gawa sa halamang nardo. Ibinuhos niya ito sa paa ni Hesus at pinunasan ng kanyang buhok. At humalimuyak ang pabango sa buong bahay.

4 Ang isa sa mga alagad ni Hesus na naroon ay si Judas Iscariote na magkakanulo sa kanya. Sinabi ni Judas, 5 "Isang taóng sahod ang halaga ng pabangong iyan. Bakit hindi na lang iyan ipinagbili, at ibinigay sa mahihirap ang pera?" 6 Sinabi niya ito, hindi dahil nagmamalasakit siya sa mga mahihirap kundi dahil isa siyang magnanakaw. Bilang tagapag-ingat ng pera nila, madalas niya itong kinukupitan.

7 Ngunit sinabi ni Hesus, "Pabayaan ninyo siya. Inilaan ang pabangong ito para gamitin niya bilang paghahanda sa aking libing. 8 Palagi nʼyong nakakasama ang mga mahihirap, pero akoʼy hindi nʼyo laging makakasama."

9 Maraming Hudyo ang nakabalita na nasa Betania si Hesus. Kaya nagpuntahan sila roon, hindi lang dahil kay Hesus kundi upang makita rin si Lazaro na muli niyang binuhay. 10 Kaya binalak din ng mga namamahalang pari na ipapatay si Lazaro, 11 dahil siya ang dahilan kaya maraming Hudyo ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Hesus.

Ang Pagpasok ni Hesus sa Jerusalem Bilang Hari

12 Kinabukasan, nabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na papunta si Hesus doon sa Jerusalem. 13 Kaya kumuha sila ng mga palaspas at sinalubong siya. Sumisigaw sila,

"Papuri sa Diyos!"

"Pinagpala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon."

"Pagpalain ang hari ng Israel!"

14 Nakakita si Hesus ng isang bisirong asno at sinakyan niya ito, gaya ng nakasaad sa Kasulatan, 15 "Huwag kayong matakot, mga taga-Zion! Makinig kayo! Paparating na ang inyong hari na nakasakay sa isang bisirong asno!"

16 Hindi pa naiintindihan noon ng mga alagad ni Hesus na iyon ay katuparan ng propesiya. Naintindihan lamang nila na ang mga nangyari ay katuparan ng nakasaad sa Kasulatan noong bumalik na si Hesus sa langit.

17 Marami ang nakasaksi nang muling buhayin ni Hesus si Lazaro, at ipinamalita nila ang pangyayaring ito. 18 Kaya marami ang sumalubong kay Hesus, dahil nabalitaan nila ang ginawa niyang himala. 19 Dahil dito, nag-usap-usap ang mga Pariseo at sinabi, "Tingnan ninyo, sumusunod na sa kanya ang lahat ng tao, at wala tayong magawa!"

Ipinahayag ni Hesus ang Kanyang Kamatayan

20 May mga Griyego ring pumunta sa Jerusalem upang sumamba sa Diyos sa kapistahan. 21 Lumapit sila kay Felipe na taga-Betsaida sa probinsya ng Galilea at nakiusap sa kanya. Sinabi nila, "Gusto po sana naming makita si Hesus." 22 Kaya pinuntahan ni Felipe si Andres, at magkasama silang pumunta kay Hesus upang ipaalam ang kahilingan ng mga ito.

23 Sinabi ni Hesus sa kanila, "Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. 24 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, malibang mamatay ang isang butil ng trigong itinanim sa lupa, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, tutubo ito at mamumunga nang marami. 25 Gayundin naman, ang sinumang labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang hindi nanghihinayang sa buhay niya sa mundong ito ay maiingatan ito hanggang sa buhay na walang hanggan. 26 Ang sinumang gustong maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung nasaan ako ay naroon din dapat siya. Ang sinumang naglilingkod sa akin ay pararangalan ng Ama.

27 "Nababagabag ako ngayon. Sasabihin ko ba sa Ama na iligtas niya ako sa nalalapit na paghihirap? Hindi, dahil ito ang dahilan ng pagpunta ko rito."

28 At sinabi niya, "Ama, luwalhatiin nʼyo po ang inyong pangalan!"

Isang tinig mula sa langit ang sumagot, "Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin ngayon." 29 Nang marinig ng mga taong naroon ang tinig, sinabi nila, "Kumulog!" Ngunit sinabi naman ng iba, "Kinausap siya ng isang anghel."

30 Sinabi ni Hesus sa kanila, "Ang tinig na iyon ay ipinarinig hindi para sa akin kundi para sa kapakanan ninyo. 31 Dumating na ang paghatol sa mga tao sa mundo. Malulupig na ang naghahari sa mundong ito. 32 At kapag itinaas na ako mula sa lupa, ilalapit ko ang lahat ng tao sa akin." 33 Sinabi ni Hesus na siya ay itataas upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.

34 Sumagot ang mga tao sa kanya, "Nakasaad sa Kautusan na ang Mesias ay mabubuhay nang walang hanggan. Bakit mo sinasabing kailangang itaas ang Anak ng Tao? Sino ba itong Anak ng Tao na tinutukoy mo?"

35 Sumagot si Hesus, "Maikling panahon na lang ninyong makakasama ang ilaw. Kaya mamuhay kayo sa liwanag ng ilaw na ito habang narito pa, upang hindi kayo abutan ng dilim. Sapagkat hindi alam ng naglalakad sa dilim kung saan siya papunta. 36 Kaya sumampalataya kayo sa ilaw habang narito pa, upang maliwanagan ang isipan ninyo." Pagkasabi ni Hesus nito, umalis siya at hindi na nagpakita sa kanila.

Ayaw Sumampalataya ng mga Hudyo kay Hesus

37 Kahit na nakita ng mga tao ang maraming himala na ginawa ni Hesus, hindi pa rin sila sumampalataya sa kanya. 38 Ito ay upang maisakatuparan ang pahayag ni Propeta Isaias:

"Panginoon, sino ang naniwala sa aming mensahe?

May nakaunawa ba sa kapangyarihang ipinamalas mo?"

39 Hindi sila naniwala dahil katulad din ng ipinahayag ni Isaias:

40 "Binulag ng Diyos ang kanilang mga mata

upang hindi sila makakita,

at isinara niya ang kanilang mga isip

upang hindi sila makaunawa,

dahil baka manumbalik pa sila sa kanya,

at pagalingin niya sila."

41 Sinabi ito ni Isaias dahil nakita niya ang kaluwalhatian ni Hesus, at nagpahayag siya tungkol kay Hesus.

42 Ganoon pa man, maraming pinuno ng mga Hudyo ang sumampalataya kay Hesus. Ngunit inilihim nila ang kanilang pananampalataya dahil sa takot na itiwalag sila ng mga Pariseo sa sinagoga. 43 Sapagkat mas ginusto pa nilang purihin sila ng tao kaysa ng Diyos.

44 Sumigaw si Hesus, "Ang sumasampalataya sa akin ay hindi lamang sa akin sumasampalataya, kundi sa nagsugo sa akin. 45 At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin. 46 Ako ang ilaw na dumating sa mundo. Naparito ako upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay hindi na manatili sa kadiliman.

47 "Ang sinumang nakarinig ng aking mga aral ngunit hindi sumunod ay hahatulan, ngunit hindi ako ang hahatol sa kanya. Sapagkat hindi ako naparito sa mundo upang hatulan ang mga tao kundi upang iligtas sila. 48 May ibang hahatol sa ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga aral. Ang mga salitang ipinangaral ko ang hahatol sa kanila sa huling araw. 49 Sapagkat hindi galing sa akin ang sinasabi ko kundi galing sa Amang nagsugo sa akin. Siya ang nag-utos kung ano ang sasabihin ko at kung ano ang ipapahayag ko. 50 At alam ko na ang utos niya ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya kung ano ang ipinasasabi ng Ama, iyon lang ang sinasabi ko."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-