Publicidade

João 10

Ang Mabuting Pastol at ang Kanyang mga Tupa

1 Sinabi pa ni Hesus, "Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi dumadaan sa pintuan, kundi umaakyat sa pader ay magnanakaw at tulisan. 2 Ngunit ang dumadaan sa pintuan ay ang pastol ng mga tupa. 3 Pinapapasok siya ng tagapagbantay sa pintuan, at kilala ng mga tupa ang boses niya. Tinatawag niya ang mga tupa sa kani-kanilang pangalan at inilalabas sa kulungan. 4 Kapag nailabas na niya ang mga tupa, nauuna siya sa kanila at sumusunod naman ang mga tupa dahil kilala nila ang boses niya. 5 Ngunit hindi sila susunod sa hindi nila kilala; sa halip, lalayuan nila ito, dahil hindi nila kilala ang boses nito." 6 Sinabi ni Hesus sa mga Pariseo ang paghahalintulad na ito, ngunit hindi nila naintindihan ang ibig niyang sabihin.

7 Kaya muling nagsalita si Hesus at sinabi, "Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ako ang pintuan ng mga tupa. 8 Ang lahat ng nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. 9 Ako ang pintuan; ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Magiging katulad siya ng tupa na malayang nakakapasok at nakakalabas ng kulungan, at makakatagpo siya ng pastulan. 10 Dumarating ang magnanakaw upang nakawin at patayin ang mga tupa; kamatayan at pagkawasak ang dala niya sa kanila. Ngunit akoʼy naparito upang magkaroon ang mga tao ng buhay na ganap."

11 "Ako ang mabuting pastol, at ang mabuting pastol ay handang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga tupa. 12 Hindi ako katulad ng bayarang pastol, sapagkat ang ganitong tagapagbantay ay tumatakas at iniiwan niya ang mga tupa kapag nakakita ng lobo na paparating. Kaya sinusunggaban ng lobo ang mga tupa at binubulabog. 13 Ang taong iyoʼy nagtatrabaho lamang para sa pera at wala siyang pakialam kung ano ang mangyayari sa mga tupa."

14,15 "Ako ang mabuting pastol. Kung paano ako nakikilala ng aking Ama at kung paano ko siya nakikilala, ganyan din ang pagkakakilala ko sa aking mga tupa at ang pagkakakilala nila sa akin. At iniaalay ko ang aking buhay para sa kanila. 16 May iba pa akong mga tupang hindi kasama sa kawan na ito. Kailangang pangunahan ko rin sila, at papakinggan nila ang aking tinig, at magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol. 17 Mahal ako ng Ama, dahil iniaalay ko ang aking buhay, at pagkatapos ay muli akong mabubuhay. 18 Walang makakakuha ng aking buhay, kundi kusa ko itong ibinibigay. May kapangyarihan akong ibigay ito, at may kapangyarihan din akong bawiin ito. Ito ang iniutos sa akin ng aking Ama."

19 Dahil sa sinabing ito ni Hesus, nagkaroon na naman ng pagtatalo ang mga tao. 20 Marami sa kanila ang nagsasabi, "Baliw siya at sinasapian ng demonyo. Bakit nʼyo siya pinapakinggan?"

21 Ngunit sinabi naman ng iba, "Hindi makakapagsalita nang ganyan ang sinasapian ng demonyo. At isa pa, paano siya nakakapagpagaling ng bulag kung totoong sinasaniban siya?"

Itinakwil ng mga Tao si Hesus

22 Dumating ang pagdiriwang ng Pista ng Pagtatalaga ng Templo sa Jerusalem. Taglamig na noon, 23 at naglalakad si Hesus sa bahagi ng Templo na kung tawagin ay Balkonahe ni Solomon. 24 Pinalibutan siya ng mga tao at sinabi sa kanya, "Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw nga ang Mesias, sabihin mo sa amin nang maliwanag."

25 Sumagot si Hesus sa kanila, "Sinabi ko na sa inyo kung sino ako, ngunit ayaw naman ninyong maniwala. Ang mga ginawa kong himala sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatunay kung sino ako. 26 Ngunit ayaw nʼyong maniwala sa akin dahil hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa akin ang aking mga tupa. Kilala ko sila at sumusunod sila sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanman ay hindi sila mapapahamak. Walang makakaagaw sa kanila mula sa aking kamay, 29 sapagkat walang makakaagaw sa kanila mula sa kamay ng aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin. Siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat. 30 Ako at ang Ama ay iisa."

31 Dahil dito, dumampot ng mga bato ang mga tao upang batuhin siya. 32 Ngunit sinabi sa kanila ni Hesus, "Ipinakita ko sa inyo ang maraming mabubuting gawa na ipinapagawa sa akin ng Ama. Alin sa mga ito ang dahilan kung bakit nʼyo akong babatuhin?"

33 Sumagot sila, "Hindi ka namin babatuhin dahil sa mabuti mong gawa, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos. Sapagkat sinasabi mong ikaw ay Diyos gayong tao ka lang."

34 Sumagot si Hesus, "Hindi baʼt nakasulat sa inyong Kautusan na sinabi ng Diyos na kayoʼy mga diyos? 35 At hindi natin maaaring balewalain ang Kasulatan. Kaya kung tinawag niyang ‘diyos’ ang mga binigyan niya ng mensahe niya, 36 bakit nʼyo sinasabing nilalapastangan ko ang Diyos dahil sa sinabi kong akoʼy Anak ng Diyos? Pinili ako ng Ama at sinugo niya rito sa mundo. 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng Ama, huwag kayong maniwala sa akin. 38 Ngunit kung ginagawa ko ang mga ito, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa kung ayaw nʼyong maniwala sa akin! Sa gayoʼy maunawaan nʼyo at maniwala kayong ang Ama ay nasa akin at ako ay nasa aking Ama." 39 Tinangka na naman nilang dakpin si Hesus, ngunit nakatakas siya.

40 Bumalik si Hesus sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan, sa lugar na pinagbautismuhan ni Juan noong nagsisimula siya sa kanyang gawain. Nanatili siya roon 41 at maraming tao ang pumunta sa kanya. Sinabi nila, "Wala ngang ginawang himala si Juan, pero totoong lahat ang sinabi niya tungkol sa taong ito." 42 At marami sa mga naroon ang sumampalataya kay Hesus.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-