Publicidade

João 18

Ang Pagdakip kay Hesus

1 Pagkatapos manalangin ni Hesus, umalis siya kasama ang mga alagad niya at tumawid sa Lambak ng Kidron. Pumunta sila sa isang lugar na may taniman ng mga olibo.

2 Alam ng traydor na si Judas ang lugar na iyon, dahil madalas magtipon doon si Hesus at ang mga alagad niya. 3 Kaya pumunta roon si Judas kasama ang isang pangkat ng mga Romanong sundalo at ilang mga guwardiya ng Templo na isinugo ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo. May dala-dala silang mga sulo, ilawan, at mga sandata.

4 Alam ni Hesus ang lahat ng mangyayari sa kanya, kaya sinalubong niya sila at tinanong, "Sino ang hinahanap nʼyo?"

5 Sumagot sila, "Si Hesus na taga-Nazaret." Sinabi ni Hesus sa kanila, "Ako iyon." (Naroon din ang traydor na si Judas na nakatayong kasama ng mga taong naghahanap kay Hesus.) 6 Nang sabihin ni Hesus, "Ako iyon," napaurong sila at natumba.

7 Kaya muling nagtanong si Hesus, "Sino ang hinahanap nʼyo?"

Sumagot silang muli, "Si Hesus na taga-Nazaret."

8 Sinabi sa kanila ni Hesus, "Hindi baʼt sinabi ko na sa inyo na Ako iyon? Kung ako nga ang hinahanap nʼyo, hayaan nʼyong makaalis ang mga kasama ko." 9 Sinabi niya ito upang matupad ang sinabi niya sa Ama, "Wala ni isa mang napahamak sa mga ibinigay mo sa akin."

10 Sa pagkakataong iyon, bumunot ng espada si Simon Pedro at tinaga ang alipin ng punong pari. Natagpas ang kanang tainga ng alipin na ang pangalan ay Malco.

11 Ngunit sinaway ni Hesus si Pedro, "Ibalik mo sa lalagyan ang espada mo. Sa palagay mo baʼy hindi ko titiisin ang paghihirap na ibinigay sa akin ng Ama?"

Dinala si Hesus kay Anas

12 Dinakip si Hesus ng mga Romanong sundalo sa pangunguna ng kanilang kapitan, kasama ng mga guwardiyang Hudyo. Siyaʼy iginapos nila at 13 dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas. Si Caifas ang punong pari nang taon na iyon, 14 at siya ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Hudyo na mabuti pang mamatay ang isang tao para sa buong sambayanan.

Ikinaila ni Pedro si Hesus sa Unang Pagkakataon

15 Samantala, sinundan ni Simon Pedro at ng isa pang alagad si Hesus. At dahil kilala ng punong pari ang alagad na ito, nakapasok siyang kasama ni Hesus sa bakuran ng punong pari. 16 Naiwan namang nakatayo sa labas ng pintuan si Pedro. Lumabas muli ang alagad na kilala ng punong pari at nakiusap sa babaeng nagbabantay sa pinto, kaya pinapasok si Pedro.

17 Sinabi ng babaeng utusan kay Pedro, "Hindi baʼt isa ka sa mga alagad ng taong iyan?"

Sumagot si Pedro, "Hindi!"

18 Maginaw noon, kaya nagsiga ang mga alipin at mga guwardiya, at tumayo sila sa paligid nito para magpainit. Nakihalo si Pedro sa kanila at nagpainit din.

Inimbestigahan ng Punong Pari si Hesus

19 Samantala, inimbestigahan ng punong pari si Hesus tungkol sa mga alagad niya at sa mga itinuturo niya.

20 Sinabi ni Hesus, "Hayagan akong nagsasalita sa mga tao. Palagi akong nangangaral sa mga sinagoga at sa Templo kung saan nagtitipon-tipon ang lahat ng Hudyo. Wala akong itinuro nang palihim. 21 Bakit nʼyo ako tinatanong ngayon? Tanungin nʼyo ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang mga sinabi ko."

22 Nang masabi ito ni Hesus, sinampal siya ng isa sa mga guwardiya na malapit sa kanya. Sinabi ng guwardiya, "Bakit ganyan ka sumagot sa punong pari?"

23 Sinagot siya ni Hesus, "Kung may masama akong sinabi, patunayan mo. Ngunit kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?"

24 Habang nakagapos pa si Hesus, ipinadala siya ni Anas kay Caifas na punong pari.

Muling Ikinaila ni Pedro si Hesus

25 Samantala, nakatayo pa rin si Simon Pedro malapit sa siga at nagpapainit. Tinanong siya ng mga naroon, "Hindi baʼt isa ka sa mga alagad niya?"

"Hindi!" tanggi ni Pedro.

26 Tinanong din si Pedro ng isa sa mga alipin ng punong pari, na kamag-anak ng pinutulan niya ng tainga, "Hindi baʼt nakita kitang kasama niya roon sa may taniman ng mga olibo?" 27 Muli itong itinanggi ni Pedro, at noon din ay tumilaok ang manok.

Dinala si Hesus kay Pilato

28 Mula kay Caifas, dinala si Hesus sa palasyo ng gobernador. Umaga na noon. Hindi pumasok ang mga pinuno ng mga Hudyo sa palasyo dahil ayon sa kautusan nila, ang pumasok sa bahay ng isang hindi Hudyo ay hindi magiging karapat-dapat kumain ng hapunan sa Pista ng Paglampas ng Anghel. 29 Kaya sa labas sila kinausap ni Pilato at tinanong, "Ano ang paratang nʼyo laban sa taong ito?"

30 Sumagot sila, "Kung hindi po siya kriminal ay hindi namin siya dadalhin sa inyo."

31 Sinabi ni Pilato sa kanila, "Dalhin nʼyo siya at kayo na ang humatol ayon sa inyong batas."

Sumagot ang mga pinuno ng mga Hudyo, "Ngunit wala kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan." 32 (Nangyari ang mga ito upang matupad ang sinabi ni Hesus tungkol sa uri ng kamatayang dadanasin niya.)

33 Muling pumasok si Pilato sa palasyo at ipinatawag si Hesus, at tinanong, "Ikaw ba ang hari ng mga Hudyo?"

34 Sumagot si Hesus, "Sa iyo ba nanggaling ang tanong na iyan o may nagsabi lang sa iyo tungkol sa akin?"

35 Sumagot si Pilato, "Hudyo ba ako? Dinala ka rito sa akin ng iyong mga kababayan at ng mga namamahalang pari. Ano ba ang ginawa mo?"

36 Sinabi ni Hesus sa kanya, "Ang kaharian ko ay wala rito sa mundo. Kung nandito ang kaharian ko, makikipaglaban sana ang mga alagad ko upang hindi ako madakip ng mga Hudyo. Ngunit ang kaharian ko ay wala rito."

37 Sinabi ni Pilato, "Kung ganoon, isa kang hari?"

Sumagot si Hesus, "Tama ang sinabi mo na isa akong hari. At ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa mundo ay upang ipahayag ang katotohanan. At ang lahat ng gustong makaalam ng katotohanan ay nakikinig sa akin."

38 Tinanong siya ni Pilato, "Ano ba ang katotohanan?" Nang masabi ito ni Pilato, lumabas siya at sinabi sa mga pinuno ng mga Hudyo, "Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. 39 Ngunit ayon sa kaugalian ninyo, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya gusto ba ninyong palayain ko ang hari ng mga Hudyo?"

40 Sumigaw sila, "Hindi siya, kundi si Barabas!" (Si Barabas ay isang tulisan.)

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_06-50-08-