1 May isang Pariseo na nagngangalang Nicodemo. Isa siya sa mga pinuno ng mga Hudyo. 2 Isang gabi, pumunta siya kay Hesus at sinabi, "Rabbi, alam naming isa kayong tagapagturo na nagmula sa Diyos, dahil walang makagagawa ng mga himalang ginagawa ninyo, maliban kung sumasakanya ang Diyos."
3 Sumagot si Hesus, "Sinasabi ko sa iyo ang totoo, walang sinumang makakaranas sa paghahari ng Diyos, malibang ipanganak siyang muli."
4 Nagtanong si Nicodemo, "Paanong maipapanganak muli ang isang taong matanda na? Hindi naman siya puwedeng bumalik sa tiyan ng kanyang ina upang ipanganak muli!"
5 Sumagot si Hesus, "Sinasabi ko sa iyo ang totoo, walang sinumang makakapasok sa kaharian ng Diyos, malibang ipanganak siya sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu. 6 Ang ipinanganak ng tao ay sumusunod sa ugali ng tao. Ngunit ang ipinanganak sa Espiritu ay sumusunod sa ugali ng Espiritu. 7 Kaya huwag kang magtaka sa sinabi ko saʼyo na kailangang ipanganak kang muli. 8 Ang hangin ay umiihip kung saan nito gusto. Nararamdaman natin ito ngunit hindi natin alam kung saan ito nanggagaling o saan papunta. Ganyan din kahirap maunawaan ang kapanganakang espirituwal."
9 Nagtanong muli si Nicodemo, "Paano po mangyayari ʼyon?"
10 Sumagot si Hesus, "Isa kang tanyag na tagapagturo sa Israel, ngunit hindi mo ito nauunawaan? 11 Sinasabi ko sa iyo ang totoo, ipinapahayag namin ang aming nalalaman at nagpapatotoo kami tungkol sa aming nasaksihan, ngunit hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. 12 Kung hindi kayo naniniwala sa mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa kaya kayo maniniwala sa mga sasabihin ko tungkol sa mga bagay sa langit? 13 Wala pang nakaakyat sa langit kundi ang Anak ng Tao na bumabâ mula sa langit. 14 Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas na tanso doon sa ilang, kailangan ding itaas ang Anak ng Tao 15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
16 "Ganito kamahal ng Diyos ang sanlibutan: Ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Sapagkat isinugo ng Diyos ang kanyang Anak dito sa sanlibutan upang iligtas ito, hindi upang hatulan.
18 "Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hahatulan ng kaparusahan, ngunit ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, dahil hindi siya sumasampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. 19 Ito ang batayan ng hatol: Dumating ang ilaw dito sa mundo, ngunit mas ginusto nilang manatili sa kadiliman kaysa sa liwanag, sapagkat masama ang mga ginagawa nila. 20 Ang taong gumagawa ng masama ay ayaw sa ilaw at hindi lumalapit dito, dahil ayaw niyang malantad ang kanyang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maipakita na ang kanyang mga gawa ay naaayon sa kalooban ng Diyos."
22 Pagkatapos nito, pumunta si Hesus at ang mga alagad niya sa iba pang lugar na sakop ng Judea. Nanatili sila roon at nagbautismo ng mga tao. 23 Nooʼy nagbabautismo rin si Juan sa Enon, malapit sa Salim, dahil maraming tubig doon. Maraming tao ang pumupunta sa kanya para magpabautismo. 24 (Nangyari ito bago nakulong si Juan.)
25 Ngayon, nagkaroon ng pagtatalo ang ilang alagad ni Juan at ang isang Hudyo tungkol sa ritwal ng paghuhugas. 26 Pumunta sila kay Juan at sinabi, "Rabbi, ang taong nakasama nʼyo sa kabila ng Ilog Jordan na inyong pinatotohanan ay nagbabautismo na rin, at halos lahat ng tao ay pumupunta sa kanya."
27 Sumagot si Juan, "Hindi matatanggap ng tao ang kahit ano, maliban kung itoʼy ipinagkaloob sa kanya ng Diyos. 28 Kayo mismo ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Mesias, kundi sinugo lamang ako para mauna sa kanya. 29 Sa isang kasalan, ang babaeng ikakasal ay para lamang sa lalaking ikakasal. Ang lalaking abay ay nakatayo at hinihintay ang pagdating ng lalaking ikakasal, at tuwang-tuwa siya kapag narinig niya ang boses nito. Gayundin naman, punong-puno ako ng kagalakan. 30 Dapat lalo pa siyang maitaas, at ako namaʼy maibaba.
31 "Siyaʼy nagmula sa itaas kaya dakila siya sa lahat. Ang nagmula sa lupa ay para sa lupa at ang sinasabi niyaʼy patungkol lamang sa mga bagay dito sa lupa. Ngunit siyaʼy nagmula sa langit, kaya dakila siya sa lahat. 32 Pinapatotohanan niya ang nakita at narinig niya sa langit, pero iilan lang ang naniniwala sa kanyang patotoo. 33 Ngunit ang sinumang naniniwala sa kanya ay sumasaksi na totoo ang sinasabi ng Diyos. 34 Sapagkat ang Mesias na sinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos, dahil lubos na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ang Espiritu. 35 Mahal ng Ama ang kanyang Anak, at ipinasailalim niya ang lahat ng bagay sa awtoridad ng Anak. 36 Ang sinumang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang sumusuway sa kanya ay hindi makakamtan ang buhay na ito, sa halip, mananatili sa kanya ang poot ng Diyos."