Publicidade

João 13

Hinugasan ni Hesus ang mga Paa ng mga Alagad Niya

1 Bisperas noon ng Pista ng Paglampas ng Anghel, alam ni Hesus na dumating na ang panahon ng pag-alis niya sa mundong ito upang bumalik sa Ama. Mahal na mahal niya ang kanyang mga alagad dito sa mundo, at ipinakita niya ang kanyang pagmamahal sa kanila hanggang sa katapusan.

2 Nang gabing iyon, naghapunan si Hesus kasama ang kanyang mga alagad. Inudyukan na ni diyablo si Judas Iscariote, na anak ni Simon, na ipagkanulo niya si Hesus. 3 Alam ni Hesus na ipinasailalim ng Ama sa kanyang kapangyarihan ang lahat. At alam din niyang galing siya sa Diyos at babalik din sa Diyos. 4 Tumayo si Hesus habang naghahapunan sila. Hinubad niya ang kanyang panlabas na kasuotan at nagbigkis ng tuwalya sa baywang niya. 5 Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa isang palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad niya at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya.

6 Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito, "Panginoon, huhugasan nʼyo po ba ang mga paa ko?"

7 Sumagot si Hesus, "Hindi mo naiintindihan ang ginagawa ko ngayon, ngunit maiintindihan mo rin sa bandang huli."

8 Sinabi ni Pedro sa kanya, "Hindi po ninyo kailanman huhugasan ang aking mga paa."

Sumagot si Hesus, "Hanggaʼt hindi ko hinuhugasan ang paa mo, wala kang kaugnayan sa akin."

9 Kaya sinabi ni Simon Pedro, "Kung ganoon Panginoon, hindi lang po ang mga paa ko ang hugasan ninyo kundi pati na rin ang mga kamay at ulo ko!"

10 Ngunit sinabi ni Hesus sa kanya, "Ang taong nakapaligo na ay kailangan lamang maghugas ng paa, sapagkat malinis na ang kanyang buong katawan. Malinis na kayo, ngunit hindi kayong lahat." 11 Sinabi ni Hesus na hindi lahat ay malinis dahil alam niya kung sino ang magkakanulo sa kanya.

12 Nang mahugasan na ni Hesus ang mga paa nila, muli niyang isinuot ang kanyang panlabas na kasuotan at bumalik sa hapag-kainan. Pagkatapos, tinanong niya sila, "Naiintindihan nʼyo ba ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag nʼyo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon’, at tama kayo dahil iyan nga ang totoo. 14 Kung ako na Guro at Panginoon ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat ay ganoon din ang gawin ninyo sa isaʼt isa. 15 Ginawa ko ito bilang halimbawa na dapat ninyong tularan. Kaya gawin din ninyo ang ginawa ko sa inyo. 16 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang aliping higit sa kanyang amo; at wala ring isinugo na higit sa nagsugo sa kanya. 17 Ngayong alam nʼyo na ang mga bagay na ito, pagpapalain kayo ng Diyos kung gagawin nʼyo ang mga ito.

Sinabi ni Hesus na Ikakaila Siya

18 "Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko, sapagkat kilala ko ang mga pinili ko. Ngunit kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan, ‘Ipinagkanulo ako ng nakisalo sa akin sa pagkain.’

19 "Sinasabi ko ito sa inyo bago pa man mangyari, upang kapag nangyari na ay maniwala kayo na Ako ang sinasabi kong Ako. 20 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang tumatanggap sa mga taong isinugo ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin."

21 Pagkasabi nito ni Hesus, labis siyang nabagabag. Sinabi niya, "Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo."

22 Nagtinginan ang mga alagad niya na naguguluhan kung sino ang tinutukoy niya. 23 Nakaupo noon sa tabi ni Hesus ang alagad na malapit sa puso niya. 24 Kaya sinenyasan ito ni Simon Pedro na tanungin si Hesus kung sino ang tinutukoy niya.

25 Sumandal ito kay Hesus at nagtanong, "Panginoon, sino po ang tinutukoy ninyo?"

26 Sumagot si Hesus, "Kung sino ang bibigyan ko ng tinapay na isinawsaw ko, siya iyon." Kaya kumuha si Hesus ng tinapay at matapos isawsaw ay ibinigay kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27 Pagkatanggap ni Judas ng tinapay, pumasok sa kanya si Satanas.

Sinabi ni Hesus sa kanya, "Gawin mo na agad ang gagawin mo." 28 Hindi naintindihan ng mga kasalo sa hapunan kung bakit sinabi iyon ni Hesus. 29 Ang akala ng iba, inutusan lang ni Hesus si Judas na bumili ng mga kakailanganin sa pista o kayaʼy magbigay ng limos sa mga mahihirap, dahil siya ang tagapag-ingat ng pera nila. 30 Pagkakain ni Judas ng tinapay, agad siyang umalis. Gabi na noon.

Sinabi ni Hesus na Ikakaila Siya ni Pedro

31 Nang makaalis na si Judas, sinabi ni Hesus, "Ang Anak ng Tao ay luluwalhatiin na, at sa pamamagitan niyaʼy luluwalhatiin ang Diyos. 32 At kung sa pamamagitan niyaʼy luluwalhatiin ang Diyos, siya ay luluwalhatiin din ng Diyos, at gagawin niya ito kaagad.

33 "Mga anak, sandali na lang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit gaya ng sinabi ko sa mga pinuno nating mga Hudyo, hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.

34 "Kaya isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: Magmahalan kayo. Kung paano ko kayo minamahal, ganoon din dapat ang pagmamahal nʼyo sa isaʼt isa. 35 Kung nagmamahalan kayo, malalaman ng lahat na mga alagad ko kayo."

36 Nagtanong si Simon Pedro kay Hesus, "Panginoon, saan po kayo pupunta?"

Sumagot si Hesus, "Sa ngayon ay hindi ka makakasama sa pupuntahan ko, pero susunod ka rin doon balang araw."

37 Nagtanong pa si Pedro, "Panginoon, bakit hindi ako maaaring sumáma sa inyo ngayon? Handa naman akong mamatay para sa inyo."

38 Sumagot si Hesus, "Talaga bang handa kang mamatay para sa akin? Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-