Ang Pagdakip kay Hesus
43 Nagsasalita pa si Hesus nang biglang dumating si Judas na isa sa labindalawang alagad. Marami siyang kasama at may mga dala silang espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Hudyo.
44 Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Hesus: "Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya at dalhin, at bantayang mabuti." 45 Kaya nang dumating si Judas, agad siyang lumapit kay Hesus at bumati, "Rabbi!" sabay halik sa kanya. 46 At dinakip agad ng mga tao si Hesus. 47 Bumunot ng espada ang isa sa mga alagad ni Hesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at natagpas ang tainga nito.
48 Sinabi ni Hesus sa mga humuli sa kanya, "Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo upang dakpin ako? 49 Araw-araw ay nasa Templo ako at nagtuturo, at naroon din kayo. Bakit hindi ninyo ako dinakip? Ngunit kailangang mangyari ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan." 50 Iniwan siya noon din ng mga alagad niya at nagsitakas sila.